MUKHANG maghihintay pa ang mamamayang Pilipino ng bagong kabanata sa drama ng anomalya sa AFP. At tila telenobela na nga ang nagaganap. Mga misteryo, mga taong naglulutangan, may namatay pa nga. Ayon kay Rex Robles, may isang tao na nasa likod ni Carlos Garcia at mas malaki raw ang naibulsa. Ayon kay President Aquino, may ideya siya kung sino pero pababayaan na niya ang DOJ na magsampa ng mga kaso laban sa taong ito. Kaya misteryo pa ngayon kung sino ito.
Kaya kahanga-hanga ang mga katulad ni Heidi Mendoza na walang kundisyon sa paglabas ng mga nakita niyang anomalya sa pondo ng AFP. Kahit siguradong apektado ang kanyang buhay pati na ng kanyang pamilya. Siguradong hindi na magiging kapareho ng dati nang kanilang mga buhay ngayong whistleblower na rin siya, lalo na’t AFP pa ang katunggali. Isang bagay ang magsasabi na may alam ka, ibang bagay ang magsabi na may alam ka, ilabas at ipakita pa ang mga ebidensiya mo. Kaya hinihimok ni Mendoza si Robles na sabihin na ang nalalaman niya, kaysa pa-misteryoso pang dating. Ano ang ikinababahala niya eh sundalo naman siya?
Pero kung kakasuhan na nga ng DOJ at hindi na dadaanan sa isa pang pagdinig sa Senado, baka mas mabuti na nga. Kung totoo na may ebidensiya sa taong ito, sino man ito, kasuhan na para umandar ang hustisya. Kung idadaan pa sa Senado, baka kung ano naman ang mangyari at magturuan na naman kung may masamang mangyari!
Sinasabi nila na hindi naman apektado ang mga sundalo sa kasalukuyang imbistigasyon sa AFP. Hindi ako naniniwala. Siguradong apektado ang mga sundalo, lalo na ang mga nasa labanan araw-araw. Kung maliligtas ang mga buhay nila dahil lang sa ilang pisong halagang bala na siguradong puputok, siguradong apektado sila kung ibinubulsa lamang ang mga pambili sana ng mga balang iyon!