SA mata nang marami, hindi na makatwiran ang ginawang pagpahiya ng mga Senador kay Sec. Angelo Reyes sa corruption hearings. May punto sila. Lumampas nga sa linya ng pagkadisente ang inasal ng ilan sa ating mga kagalang-galang na lingkod bayan.
Pero ibang bagay ang mapagbintangang nag-“overkill” sa pagdinig ng lupon sa tawaging “killer” ng nasirang sekretaryo. Lalo na kung ang mga pumupukol ng bintang ay may mga agendang pinagtatakpan.
Madalas bukambibig ni Senate Pres. Enrile na ang taong piniling pasukin itong pulitika, handa dapat maki-pagsabayan – walang atrasan. Ganoon ang patakaran kapag napabilang ka sa laro ng matatanda. Big boys na kayo. Everything goes.
Hindi ko kakilala si Sec. Reyes. Wala akong masamang opinyon sa kanya. Tinanggap kong bahagi ng pulitika ang ginawang pagtalikod sa Edsa 2 sa presidenteng binigyan siya ng break. Medyo hindi ko lang makuha nang magprisinta siyang nominado ng marginalized partylist na 1-Utak. At nang sumugod siya sa mismong Comelec en banc noong inakalang nadadaya ang anak niya ng PCOS machine? Ganun talaga ang sentimyento ng ama kapag anak na ang agrabyado kaya naintindihan ko na rin.
Nakalulungkot ang pinili niyang paraan na harapin ang hamon ng katotohanan. Hindi ko masasabi kung ganoon din ang gagawin ko kung malagay sa similar na sitwasyon kaya hindi ko ito huhusgahan. Subalit bilang tagamasid na may interes sa mga pangyayari, sobra akong bitin na baka hindi ko na malaman ang katapusan ng kuwentong inumpisahan sa Senado.
Si Sec. Reyes ay lingkod bayan – buong buhay niya, inalay sa Pilipino. Nasa sentro ng lahat ng mahalagang pangyayari nitong nakaraang sampung taon, batikan ng lahat ng high stakes power play – marami sana itong maibabahaging karunu-ngan. Ang mga parangal, papuri at pagkilala sa kanyang rekord ay bagay na hindi maitatatwa. Subalit kung ang kanyang huling akto ay bibigyan ng kabuluhan, sana ay sa paraan na magamit itong instrumento upang masilayan ang buong katotohanan. Sayang naman kung ito’y magamit ng iilan sa pan-sariling paraan.