Demokrasya ala-EDSA I
BINABATI ko ang Egypt sa kanilang matagumpay na mapayapang pagpapatalsik ng isang pinuno na tatlong dekada na ring namumuno. Si Hosni Mubarak ay namuno sa Egypt nang mapatay si President Anwar Sadat sa isang asasinasyon noong 1981. Inabot din ng 18 araw na ala-Edsa I na kilos-protesta mula sa isang milyong Egyptian bago nagpasya na bumaba sa puwesto si Mubarak. Hindi rin ako magugulat kung may kamay ang Amerika sa kanyang pagbitiw, dahil pataas nang pataas ang presyo ng langis sa mundo – isang bagay na ayaw na ayaw ng Amerika dahil sa matinding uhaw nito sa langis!
Maayos naman ang pamumuno ni Mubarak sa umpisa. Pinagpatuloy niya ang pakikipagbati sa Israel. Sila lang ang Arabong bansa na may kasunduang kapayapaan sa Israel. Kaya pinagmumulan din ito ng batikos mula sa mga ibang Arabong bansa. Anim na beses din siyang tangkang patayin ng iba’t ibang grupo, malamang dahil sa kanyang katayuan ukol sa Israel. Pero naging matindi ang korapsyon at katiwalian sa kanyang administrasyon, hanggang sa umabot na nga sa umpisa ng mga kilos-protesta, at sa kanyang tuluyang pagbitiw. Mayaman na naman siya. Ang kanyang kayamanan ay nasa mga $70 billion! Wow!
Nilipat niya ang kapangyarihan ng pamumuno sa Hukbong Sandatahan ng Egypt. Militar na muna ang mamumuno pansamantala, hanggang sa magkaroon ng panibagong eleksyon para sa isang bagong presidente. Mapupuna na hindi nakialam ang Egyptian Army sa mga gulong naganap sa kasagsagan ng kilos-protesta. Senyales nga na inaprubahan ng militar ang mga protesta. Kaya siguro napilitan na lang bumaba ni Mubarak.
Pero habang nagsasaya ang mga taga-Egypt sa kanilang bagong kalayaan, babala na rin para sa kanila na huwag nilang patagalin ang paglipat ng kapangyarihan mula sa militar pabalik sa mamamayan. Baka mangyari sa kanila ang nangyari sa maraming bansa kapag militar na ang humawak ng gobyerno. Ayaw nang bitawan, katulad ng Myanmar! Mahirap na. Mabuti naman at nangako ang militar na gagawin ang lahat para maging mabilis ang paglipat ng kapangyarihan sa isang sibilyan na demokrasya. Nangako rin na ipagpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Binabantayan sigurado ng Israel ang mga pangyayari sa Egypt na tangi nilang “kaibigan” sa rehiyon.
Kaya katulad sa Edsa I, pagkatapos ng selebrasyon, paglilinis at pag-aayos ng kanilang bagong bansa ang dapat gawin. Sana nga, sa lalong mada-ling panahon para magsimulang bumaba na rin ang presyo ng langis.
- Latest
- Trending