Diyos ang pag-ibig

NILIKHA tayo ng Diyos at Siya ang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay lalung-lalo na ang buhay. Dampian ng ating palad ang ating puso at sa bawa’t tibok ay damahin natin ang Kanyang bigay na buhay.

Napakabait Niya at binibigyan pa tayo ng kalayaan upang mamili sa dalawang bagay. Sinusubukan tayong mamili: Tubig o apoy, buhay o kamatayan, kabutihan o kasamaan. Napakalawak ng Kanyang pag-unawa at pag-ibig sa atin. “Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.”

Maging si Pablo ay nagsabi na: “Ang panukala ng Diyos ay nalilihim sa tao; itinalaga Niya ito para sa ating ikadarakila.” Si Hesus ay naparito sa daigdig hindi upang pawalang-bisa ang kautusan at aral ng mga propeta kundi para ipaliwanag ito at ganapin. Sinabi ni Hesus na magwawakas ang langit at lupa ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng kautusan ay hindi mawawalan ng bisa.

Muling iniisa-isa ni Hesus ang utos ng Diyos. Ilan kaya sa atin ang alam na alam pa ang kabuuan ng Sampung Utos ng Diyos? Tinutupad ba natin ito mula sa ating mga puso at isipan? Iniibig ba natin ang Diyos higit sa lahat? Iniibig din ba natin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili?

Bukas Pebrero 14 ay Araw ng mga Puso, araw ng pag-ibig. Paano natin ito ipagdiriwang? Ang pag-ibig ba natin ay may kabanalan at kalinisan? Huwag nating tularan ang mga magdiriwang bukas na pawang kasamaan at kahalayan.

Naaalaala ko tuloy yung isang kapatid na pari na tuwing Araw ng mga Puso o Valen­tine’s Day ay naroon sa harap ng mga motel. Para siyang si San Juan, sumisi­gaw sa madla na linisin ang tunay na pag-ibig. Sa U.S., isang buwan pa bago Va­lentine’s ay “fully booked” na ang reservation sa mga restaurant for lunch o dinner ng magsing-irog o pamilya.

Minsan, isinama ko ang aking ina habang nakadestino sa U.S. Sinabi ko sa kanya na mula San Diego, California hanggang Fort Sill, Oklahoma ay dalawang araw na drive. Dumating ang gabi at sabi ko: “Inay, sa motel po tayo matutulog at bukas uli tayo magda-drive.” Ang sagot sa akin: “Aba anak, ayaw kong matulog sa masamang lugar na iyan. Ay naku, napaka-bastos daw diyan.”

He-he-he!

Maligayang araw ng mga Puso!

Sirak 15:16-21; Salmo 118, 1Corinto 2:6-10 at Mt 5:17-37

Show comments