Angelo Reyes, binabatikos kahapon, pinupuri ngayon
NATIONAL tragedy ang bunga ng isyu sa plea bargaining agreement na kinasangkutan ng dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines na si ret. General Carlos F. Garcia. Dahil dito’y nagpakamatay si dating AFP Chief Angelo Reyes. Idinawit si Reyes ng dating budget officer ng AFP na si George Rabusa na tumanggap ng P50 milyong “pabaon” nang magretiro sa pagka-AFP chief of staff. Marami pang Heneral ang inginuso na tumanggap din ng ganyang “pabaon” nang magretiro. Lahat ay nagpasinungaling.
Anang iba nagpatiwakal si Reyes dahil sinumbatan ng budhi. Puwede ring na-depressed siya sa mga bintang na layunin lamang wasakin siya. Totoong mali ang pagbawi sa sariling buhay ni Reyes. Pero sa tingin ko’y nagawa niya ito dahil buong pamilya niya ay dawit na sa eskandalo. Ang misis niya ay ibig ipatawag sa Senado para busisiin.
Matapos magpakamatay si Reyes, bumubuhos ang mga papuri sa kanyang mabuting record sa serbisyo. Ililibing pa raw siya sa Libingan ng mga Bayani. But will kind words bring back Reyes to life?
Sa mga Congressional inquiry, talagang mangyayari ang “trial by publicity.” Madalas, mass media ang napagdidistkitahan gayung isinusulat lang nito ang mga pangyayaring ginagawa sa mata ng publiko. Naniniwala ako na dapat gawing closed door ang mga pagbusisi. Kawawa ang mga inaakusahan dahil lumilitaw nang nagkasala kahit hindi pa napapatunayan. Nabuksan na ang pandora’s box at hindi na ubrang pabalikin sa kahon ang mga kumawalang halimaw.
Nanawagan si Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. sa mga dating miyembro ng militar tulad ni special envoy to the Middle East Roy Cimatu, na makiisa sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay Ochoa, sa pagtalima sa nais ni Pangulong Noynoy Aquino na puksain ang korapsiyon, inatasan na ng Presidente ang Department of National Defense (DND) na gumawa ng pagsisiyasat sa mga akusasyon ng korapsiyon sa militar na na bunyag sa congressional hearings.
“Defense Secretary Voltaire Gazmin is currently focused on addressing the allegations of those who have testified in Congress, and they have already formed their own panel to conduct a formal investigation,” anang Executive Secretary.
- Latest
- Trending