Panahon na

SA mga may heater sa gripo o sa shower, realidad ang “mag-timpla” ng mainit at malamig upang makuha ang katamtaman. Masyadong mainit ay mapapaso, kung sobrang lamig ay mangangatog.

Ganito rin ang prinsipyo sa lugar na tinitirahan ng tao – hahanapin at hahanapin ang tamang timpla ng temperatura. May nalalaman ba tayong nakatira sa malamig na north and south pole, mga tuktok ng mundo na pinakamalayo sa araw? Sa mainit na desyerto ng Afrika o Asya, nasa baywang ng mundo at siyang pinakamalapit sa araw? Kung meron man ay kakaunti, at ito’y mga lahi na ilang siglo nang natutong mag-adjust sa hirap ng klima.

Saan mang bahagi ng mundo ay ganito rin ang realidad. Karamihan ng populasyon ay nagkukumpol sa mga lungsod kung saan katamtaman ang klima. Kaya lang ay medyo may problema ngayon. Dahil ang klimang kasalukuyan ay wala nang hawig sa klimang kinamulatan. At hindi lang kakaunting init at lamig ang pinagkaiba. Kadalasa’y sobrang init at lamig, sobrang ulan at hangin, sobrang bagyo at baha. Ang resulta? Sobrang dami nang nasasalanta at natataranta.

Paunti nang paunti ang lugar kung saan ang klima ay hindi nagbabago – sa maraming bahagi ng mundo’y pakikipagsapalaran na ang manatili sa lugar na kinalakihan. Masyado nang delikado ang panahon. Kayat ang nangyayari ay exodus o diaspora ng mga apektadong komunidad patungo sa mas ligtas na lugar. At heto ang ugat ng mas malaking problema.

Ayon sa research ng Asian Development Bank (ADB), hindi pa napaghahandaan ng mga pamahalaan ang napipintong migrasyon ng mga taong tumatakas sa masama at pabago-bagong klima. Siempre, ang mabubukulan na naman ng husto ay ang mga mahihirap na wala na ngang panlaban sa pag-iinarte ng panahon, kulang   din sa pamuhunan sa pag­harap sa isang kinabukasang walang kasiguruhan.

Ngayon pa lang ay pwe­de na sanang paghandaan ang hindi na mapipigilang pagdagsa ng tao sa mga sentro ng populasyon. Ka­pag ito’y maagapan nang maaga at maunawaan ng mabuti, maari itong maghatid ng bagong oportunidad at bagong pag-asa para sa lahat.

Show comments