MATAGAL nang nakakarinig ang BITAG ng mga reklamo hinggil sa mga kawatang tumatambay sa may Pasay, Taft Edsa.
Dalawang maskuladong lalaki umano ang pasimuno ng holdapan sa nasabing lugar na kakikitaan nang maraming tao dahil abangan ito ng sasakyan ng mga pasahero.
Ang estilo, aakbay ang unang suspek kapag namataang nag-iisa lamang ang kanyang biktima. Aaktong magkakilala ito at kunwari’y nakikipagkuwentuhan pa.
Ang siste, may itinututok ng baril ang mokong sa bewang ng kanyang walang muwang na biktima.
Hindi pa dito natatapos ang kalbaryo ng kawawang prospek dahil susunod ang ikalawang suspek sa eksena.
Dito, lalapitan ang dalawa at magsisilbing back-up ng unang suspek. Eto ang titingin-tingin sa paligid kung may kalaban o may nakakahalata sa kanilang krimeng ginagawa.
Kuyog style ang kanilang porma upang di makapalag ang kanilang target. Saka nito mamadaliin ang biktima na ilabas ang kanyang wallet o anumang gadget.
Hindi nila kinukuha ang buong bag ng kanilang bibiktimahin lalo na’t broad daylight kung kumilos ang dalawang dorobo na ito.
Ayon sa mga biktima, magsumbong man sila sa mga lespu, wala raw kuwenta. Dahil paulit-ulit lang na may nabibiktima sa lugar na ito.
Interesado ang BITAG sa dalawang kolokoy na ito at gusto naming ikasa ang patibong laban sa kanila. Ayon sa mga sumbong, madalas nakatambay ang mga maskuladong holdaper sa tapat ng Kabayan Hotel.
Sa mga nabiktima, ‘wag mag-atubiling lumapit sa BITAG. Malaki ang maitutulong niyo sa pagkakakilanlan ng dalawang kawatan. Tumawag agad sa aming tanggapan.