KAHIT wala na si dating AFP chief of Staff Angelo Reyes, hindi naman dapat mahinto ang imbestigasyon sa corruption sa pondo ng military. Bagkus, dapat pang lawakan at halukayin ang anomalya at pagbayarin ang mga mapapatunayang kasangkot. Ang pagpapatiwakal ni Reyes ay hindi dapat ma-ging hadlang para maudlot ang nabulgar na milyong kinukurakot sa AFP. Nagsisimula pa lamang ang imbestigasyon at sa takbo ng pagdinig, mukhang marami pang isisiwalat ang dating budget officer na si George Rabusa.
Bukod sa pagbubulgar sa pabaon at pasalubong sa mga AFP chief, ibinunyag na rin ni Rabusa na nakikinabang umano ang mga auditor ng Commission on Audit (COA) sa pondo ng military. Sinabi ni Rabusa na nakatatanggap ng payoffs, hindi lamang ang isang auditor kundi pati na rin ang iba pang opisyal sa COA. Nagkakapera ang mga auditor dahil sa tinatawag na fund “conversions”.
Sinabi ni Rabusa na ang COA resident auditor na si Divina Cabrera na dating naka-assigned sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ay tumatanggap ng 1 percent sa total amount ng pondong iko-convert subalit humihiling umano ito ng 2 percent. Bawat meeting din umano nila kay Cabrera ay binibigyan nila ng P200,000 na nakalagay sa sobre. Depende umano ang laki ng perang ibinibigay kay Cabrera sa laki ng problem. Inihahanda na nila ito bago ang schedule na meeting. Si Cabrera umano ang nagpapatawag ng meeting kapag may problema. May handler umano si Cabrera na nagngangalang Raul Flores, isang commissioner.
Lumawak nang lumawak ang usapin na sinimulan ni dating comptroller Carlos Garcia. Ang asawa at anak ni Garcia ay may kaso sa US dahil nahulihan nang libong dollar sa airport. Nabunyag na rin ang maraming ari-arian ni dating comptroller Jacinto Ligot at kanyang asawa. Maski ang asawa ng nagpatiwakal na si Reyes ay marami umanong bahay sa US. Mahigit 40 beses nagbiyahe sa ibang bansa ang asawa ni Reyes at Ligot.
Nagtataka ang mga senador kung bakit nagkaroon nang maraming ari-arian si Ligot na ang sahod lamang P35,000 isang buwan.
Halukayin pa ang anomalya at sana ay mayroong maparusahan sa mga kumukurakot ng pondo ng AFP. Hindi dapat maudlot kahit na may kumitil nang sariling buhay.