DUMALO ako sa isang pagtitipon ng mga Pinoy dito sa Amerika. Katulad ng nakaugalian, tuloy pa rin ang kuwentuhan kahit isang oras nang nagpaalaman. Nabuksan ang hinggil sa korapsiyon sa Armed Forces of the Philippines. Napunta ang usapan sa mga malalaking baha at paglubog ng mga komunidad sa maraming lugar sa daigdig hanggang sa humantong sa nangyayaring kaguluhan sa Egypt na apektado ang mga kababayang OFWs.
Sa pagtutok pa lamang daw sa TV ng ilang saglit ay ninerbiyusin na raw kaagad tayo sa mga news. Ang mga dating malilinis at modernong siyudad ay lubog ngayon sa baha, katulad ng nangyayari sa Australia. Akala mo ay sa Pilipinas ang napapanood sa unang tingin. Maluluma na ang nangyaring pagbaha at grabeng paninira sa ari-arian dahil sa hurricaine sa New Orleans. Ganundin ang nangyari sa Indonesia.
Siyempre, marami pa rin sa mga kababayan natin dito sa US ang nangingilabot at ninenerbiyos pa rin kapag naaalaala ang mga nangyaring bagyo at pagbaha sa Pilipinas lalo na ang naganap nang manalasa ang bagyong Ondoy na napakaraming buhay ang pumanaw at napakalaking halaga ng ari-arian ang nasira. Hanggang sa ngayon ay napakarami pa ring nabiktima ng Ondoy at iba pang mga nakaraang bagyo ang hindi pa rin nakakabawi at nakaaahon sa hirap.
Isa pa rin sa mga nakaaapekto sa damdamin ng mga kababayan natin dito sa US ay ang mga balita sa kaguluhan sa Egypt tungkol sa pagpoprotesta ng taumbayan na mapaalis ang kanilang presidente na si Hosni Mubarak. Muli raw bumabalik sa kanilang isipan ang masamang karanasan ng mga Pinoy dahil sa halos ganito rin ang senaryo noong ang mga Pinoy ay hindi na makatiis sa hindi mabuting pamamahala ng mga namumuno noon ng ating bansa.
Ang katanungan ng mga Pinoy ng gabing yun ay kung ano kaya ang senyales ng mga nangyayaring kaguluhang ito sa iba’t ibang lugar ng daigdig. May nagsabi sa grupo na marahil ay kailangang dagdagan pa ng mga Pinoy ang pagdarasal sa Diyos na iligtas Niya ang Pilipinas at ang mga Pilipino sa lahat ng kaguluhan.Matuto nawa ang mga tao na mahalin at igalang ang kanyang kapwa.