Nadadawit sa kasong Garcia, dumadami

PARAMI nang parami ang VIPs na nasasangkot sa pagkakanlong kay mandarambong na military comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia. Nauna sina Ombudsman Merceditas Gutierrez at special prosecutors niya, na nagpalamya sa maliliit na krimen ang orihinal na kasong plunder.

Sa Senado nandawit si dating Armed Forces budget officer Col. George Rabusa. Umano, tumanggap si chief of staff Angelo Reyes ng P5-milyong buwanang payola at P50-milyong “pabaon” mula sa naunang comptroller na si Lt. Gen. Jacinto Ligot. Kumubra naman si sumunod na CS Diomedio Villanueva, mula kay Garcia, ng P10-milyong “pasalubong” at P160-milyong “pabaon”. Si CS Roy Cimatu naman ay kumubra, mula rin kay Garcia, ng P10-milyong “pasalubong” at P5 milyon buwanan.

Sa Kamara dalawa pa ang idiniin ni state auditor Heidi Mendoza. ‘Yung una ay hindi hayagan. Ikinuwento niya ang pinaka-malala na iregularidad ni Garcia: Ang paglipat ng P200-milyong United Nations reimbursement para sa AFP peacekeepers sa pribadong bangko. Sa loob ng isang araw, Nob. 28, 2010, nag-clear ang tseke at binulsa ang P50 milyon mula sa kabuuan. Dahil sa araw ding ‘yun nagretiro si CS Benjamin Defensor, naghinala ang mga kongresista na pabaon niya ‘yon.

Binisto ni Mendoza ang pagharang ng dating boss na Commission on Audit chief Guillermo Carague sa special audit niya ng military finances nu’ng 2004-2006. Bukod sa P200-milyong inilipat ni Garcia, natuklasan ni Mendoza na may AFP officer na kumuha ng $5-milyong tseke ng UN mula sa Philippine mission sa New York nu’n ding 2002. Nasa files ng UN sa New York ang ebidensiya. Pero ayaw siya payagan ni Carague na doon mag-imbestiga. Hindi naman daw kasi proyekto ng COA, kundi imbestigasyon ng Ombudsman, ang special audit. Miski nakiusap ang US justice department attaché sa Maynila, matigas ang paghindi ni Carague. Inalok na lang ng promotion si Mendoza.

 

Show comments