Sobra na ang tao?

Marami ang namamatay wala namang gyera

kaya buhay ngayon nakapagtataka;

Kahi’t pa sabihing tayo’y moderno na

nagkalat ang patay saanman mapunta!

Sa nayon at bayan daming umiiyak

dahil mahal nila ay biglang nautas;

Malakas na ulan nang biglang bumagsak

tahanan at tao ay nalunod lahat!

Mga maralitang kawawa ang buhay

sa tabi ng ilog nagtayo ng bahay;

Dumating ang bagyo’t walang hintong ulan

gumuho ang lupa’t sila’y natabunan!

Mayayamang taong bahay ay konkreto –

yumanig ang lupa – naglaho rin ito;

Ang mga rescuer nang maghukay rito –

libo ang nahukay na bangkay ng tao!

Sa mga lansanga’y daming nasasawi

na likha ng taong hangad ay salapi;

Holdaper, kidnaper – masasamang budhi

upang kumita lang buhay tsinutsugi!

Mga naglalakbay sa mga probinsya

buhay nalalagas sa mga disgrasya;

Sa banging malalim nahuhulog sila

at kung minsan naman sa putok ng bomba!

Mga naglalakad sa nayon at lunsod

kung di nag-iingat uuwia’y puntod;

Mga nagmomotor sa takbong maharot

sa poste at trak sila’y sumasalpok!

Kahi’t nasa loob ng mga tahanan –

away ng pamilya’y hindi maiwasan;

Sa init ng ulo’t walang katinuan

pati mag-asawa ay nagpapatayan!

Kaya kahi’t wala namang digma

kay hirap mabuhay sa malayang bansa;

Dukha at mayaman biglang nawawala

dahil itong mundo sa tao’y sobra na?

Show comments