HINDI na biro ang pinsalang idinudulot ng pagkagumon sa bawal na gamot. Sumisira ng pagkatao. Nawawasak ang mga pangarap. Ngayon ay hindi lamang pangkaraniwang mamamayan ang nagugumon sa bawal na gamot kundi pati na rin ang mga inihalal na lingkod bayan. Hindi lamang artista, basketball player, pulis kundi pati na pulitiko ay nagugumon sa bawal na gamot. Walang kaalam-alam ang taumbayan na ang kanila palang inihalal ay drug user. Sa halip na gumawa ng batas laban sa mga nagpapakalat ng bawal na gamot ay siya palang gumagamit. Kakahiya.
Noong nakaraang linggo, natuldukan na ang mga haka-haka sa kaso ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson. Umamin na kasi siya na totoong may dala siyang illegal drugs habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport noong Hulyo 11, 2010. Walang gatol na sinabi ni Singson sa Wanchai District Court sa Hong Kong na pitong taon na siyang gumagamit ng cocaine. Sinabi ni Singson na ang grabeng depression daw ang dahilan kaya siya gumamit ng cocaine. Bago raw ang pagkakahuli sa kanya sa Hong Kong airport, gumamit siya ng apat hanggang limang gramo ng cocaine. Nakumpiska kay Singson ang 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tabletang Valium.
Sa nakaraang 2010 elections, hindi naipatupad ang isinasaad sa batas na mandatory drug testing sa mga kandidato. Kung naipatupad ang drug testing e di sana’y noon pa nabisto ang ginagawa ni Singson. Pero dahil nga hindi naipatupad o kung naipatupad man, baka hindi sumunod si Singson kaya nakapag-file siya ng kandidatura. May ma-laking pananagutan ang Comelec sa nangyaring ito. Isang malaking hamon kay Comelec chairman Sixto Brillantes ang problemang ito. May batas ang Comelec, pero butas.
Sa pag-amin ni Singson, nakapagdududa na bukod sa kanya ay marami pang halal ng taumbayan na gumagamit ng bawal na gamot. Nakapangangamba na ngayon ay maraming nakaluklok pero walang hangaring makapaglingkod kundi “trip” lang nila kaya kumandidato. Sa kabuuan, walang ibang natalo at nadaya kundi ang mamamayan. Ang kanilang inaasahang maghahango sa hirap at lusak ay isa palang sugapa at walang paki sa kanilang kapakanan.