GINAGAWANG negosyo ni PO3 Rolando Lenon, ng intelligence division ng Police Regional Office 3 ang PNP. Imbes kasi na public service, ang ginagawa ni Lenon ay “bulsa services.” Kaya ko nasabi ito ay dahil hindi lang pala bagman ni Central Luzon police director Chief Supt. Allan Purisima si Lenon kundi pinasok na rin niya ang illegal. Ayon sa mga pulis na kausap ko, si Lenon ay kasosyo na rin ni Ricky Quiros sa negosyong peryahan. Ibig sabihin, si Lenon ang nagsisilbing protector ng color games at iba pang sugal sa peryahan ni Quiros. At siyempre si Lenon din ang tagabigay ni Quiros ng lingguhang intelihensiya sa mga operating unit ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno. Maliwanag na ang dapat itawag sa ginagawa ni Lenon ay negosyo, di ba PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo?
Ang samahan nina Lenon at Quiros ay “untouchable” hindi lang sa Bulacan kundi saan mang lupalop sa Central Luzon. Walang nangangahas suplahin si Lenon dahil ipinangalandakan na tiyahin si Pampanga Gov. Lilia Pineda. Kaya’t kung walang problema ang peryahan nina Lenon at Quiros sa Bustos, Bulacan, ganun din sa iba pang sulok ng Central Luzon, lalo na sa Pampanga. Ang lahat pala ng perya sa Olongapo City at Bataan ay si Quiros ang may-ari at si Lenon ang protector. Merong puwesto si Quiros sa Dinalupihan at Bgy. Pag-asa at Bgy. Marikit sa Olongapo City. Halos walang gustong magbigay ng impormasyon kay Lenon dahil maimpluwensiya sa Central Luzon PNP.
Kung sabagay, hindi lang si Lenon ang matigas kay Purisima kundi maging ang bagman niya na si Jun Bernardino. Kaya’t hindi masawata ang jueteng, video karera, sakla at lotteng sa Central Luzon ay dahil kina Lenon at Bernardino. Siyempre, bulsa muna bago trabaho, yan ang motto ng Central Luzon police sa ilalim ni Purisima. Ha-yan, huli na bago nila napigilan ang Dominguez carjacking group. Kung nagtrabaho si Lenon, sana natunugan niya ang Dominguez group at buhay pa ngayon ang car dealers na sina Emerson Lozano at Venson Evangelista.
Paano maaamoy ni Lenon ang Dominguez group e sa peryahan ni Quiros siya nagbabantay o umiikot sa mga pasugalan para mangolekta ng “tong.” Kapag hindi nadisiplina ni Balcazo si Lenon, paano na lang siya ti-tingalain ng mga pulis? Samantala, magaling na leader si Dra. Malou Calaug pagdating sa serbisyong bayan ng Phil. Health Card Clinic sa Malabon dahil ang dati niyang mga staff nurse I ay hindi siya makalimutan kaya kahit sa aking kolum ay pinababati siya. Abangan!