NAHULOG sa balon ang kabayo ng magsasaka. Ilang oras naghihiyaw ang hayop, habang iniisip ng magsasaka kung ano ang gagawin. Sa huli pinasya ng amo na matanda na ang alaga, at kailangan namang tambakan ang balon; wala nang saysay iligtas ang hayop. Tinawag niya ang mga kapitbahay para tumulong. Nagsimula sila magpala ng lupa sa loob ng balon.
Nabatid ng kabayo ang nangyayari, at lalo ito naghihiyaw. Tapos, sa pagtataka ng lahat, nanahimik ito. Namangha ang magsasaka nang sumilip sa bunganga ng balon. Sa bawat pagpala ng lupa, pinapagpag ito ng kabayo mula sa katawan, at saka humahakbang pataas. At sa patuloy nila ng pagpapala ng lupa, patuloy rin na nagpapagpag ang hayop at humahakbang pataas nang pataas. Hanggang, nang umabot na ang lupa malapit sa bunganga ng balon, lumundag ang kabayo palabas at masayang tumakbo sa bukid.
Sa buhay maraming lupa at samu’tsaring dumi ang ipapala sa atin. Para makalabas sa balon, magpagpag lang at humakbang pataas. Bawat suliranin natin ay bahagdan pataas. Makakaangat tayo mula sa pinaka-malalim na balon, huwag lang susuko. Magpagpag, umakyat.
Tandaan ang limang alituntunin para lumigaya: (1) Alisin ang ngitngit sa puso; magpatawad; (2) Pawiin ang pag-aalala, karamihan dito’y hindi naman nangyayari; (3) Mamuhay nang simple, magpasalamat sa kung ano ang meron ka; (4) Magbigay pa nang mas marami; at (5) Bawasan ang inaasahan.
* * *
Iba naman ito. Apat na kakaibang petsa ang dadaanan natin sa taon na ito: 1/1/11, 1/11/11, 11/1/11, at 11/11/11. Ngayon, isipin kung bakit: Kapag i-add ang huling dalawang digits ng taon ng kapanganakan natin sa magiging edad natin sa birthday sa taon na ito, ang sum palagi ay ... 111.