KAWAWA ang ating mga sundalong nakikidigma sa mga rebelde at terorista. Ni bagong combat boots ay hindi mabili para sa kanila ng gobyerno. Ang mga gamit na sandata ay di maasahan. Kung minsan pumuputok, kung minsan hindi. Yun bang tipong “teka-teka.” Marami ang namamatay na kawal dahil dito. Talo pa sila ng mga kriminal na may mga modernong sandata para sa kanilang buktot na gawain.
Puwede sanang pagpasensyahan ito. Alam naman nating kapos sa pondo ang ating kabang-bayan. Pero…pero… pero nakapanggigigil ang balitang s.o.p. o standard operating procedure na bigyan ng sandamakmak na milyones ang mga bagong pasok at papaalis na hepe ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Naunang sinisiyasat ng ating Senado at Mababang Kapulungan ang kaso ni retired AFP comptroller Carlos F. Garcia na kinapapalooban ng multi-milyong pisong hinihinalang sikwat na kayamanan. This Congressional probe opened a can of worms. Sa pagtestigo ni dating Army Koronel George Rabusa na nagsilbi kay Garcia bilang budget officer, Nakaladkad ang pangalan ni da-ting AFP Chief Angelo Reyes na tumanggap umano ng P5 milyon kada buwan nang siya’y AFP Chief pa at pabaong P50-milyon nang magretiro. Damay din ang iba pang ex-AFP chief tulad nina Narciso Abaya, Hermogenes Esperon, Dionisio Santiago, Generoso Senga at Alexander Yano. Lahat sila ay nagpabulaan sa sinasabing s.o.p.
Lalo pang nagliyab ang isyu sa pagtestigo ni Heidi Mendoza na namuno sa financial audit na isinagawa sa AFP at nagdidiin kay Garcia sa kaso ng plunder sa gitna ng pagmamatigas ni Ombudswoman Merceditas Gutierrez na walang matibay na ebidensya laban sa dating heneral. Ito’y kaugnay ng P270 milyong pondo ng AFP na nawawala o hindi matunton. Ang halaga ay nagmula umano sa United Nations bilang reimbursement sa mga kagamitang ginamit ng mga Pilipinong peace keeping force.
Grabeh na toh!!
Marami ring magandang balita gaya ng pagtaas ng economic growth ng Pilipinas sa mahigit pitong porsyento. Pero gaano man kaganda ang balita ay matatabunan ng ganitong nakapanggigi-gil na balita.