^

PSN Opinyon

'Pinipigil lalong nanggigigil!'

- Tony Calvento -

(unang bahagi)

“NAKU… pwede ka pa lang script writer e… dapat pala sa komiks ka at sa senakulo!” pahayag ng isang complainant.

Nung nakaraang buwan naisulat namin ang tungkol sa kasong 13 taon na ang tinagal na pinamagatan naming “13-taong kaso, ayos na!”.

Sa isang pagbabalik tanaw, si Roberto J. Dela Cruz “Baron”, 55 taong gulang ng Alfonso, Cavite ay nagsadya sa amin upang ireklamo ang kanyang kapitbahay na si Sanny Vicedo matapos nito umanong lasing na lasing na pumasok sa kanilang bahay. Hinataw siya ng baril sa mukha at pinaputukan.

Matapos naming mailathala sa diaryo ang kwento ni Roberto. Mabilis na lumuwas ng Maynila itong si Sanny upang ibigay ang kanyang panig sa mga akusasyon sa kanya.

“Hindi ako magngingitngit kung totoo lahat ng sinasabi ni Baron. Kahit ipagtanong niyo sa lugar namin… manloloko yang taong yan!” akusasyon ni Sanny.

Ayon kay Sanny, kamag-anak niya ang asawa ni Baron na si “Celia”. May dugong del Mundo raw ito. Ang mga lolo’t lola umano nila magkamag-anak.

Maayos ang turingan nila ni Celia nagbago lang ito nung mangyari ang insidente noong ika-4 ng Abril 1997.

Ang mga susunod na pangyayari ay base sa kinwento sa amin ni Sanny.

Habang naglalakad siya papunta sa kaibigang si Isabelo nakita niya ang kapatid ni Celia na si ‘Mercy’, may kapansanan sa paa. Nakadungaw ito sa bintana habang nagsisigaw.

“Saklolo! Tulungan niyo kami. Mga kapitbahay pinapatay ang kapatid ko!” sabi umano ni Mercy.

Rumisponde si Sanny at mabilis na pumasok sa tarangkahan. Pagpasok niya sa pinto naabutan niya si Baron na pinagsusuntok si Celia habang nakayuko ito at hawak sa batok ng mister.

Napansin niya ang mga nagkalat na bote ng gin sa sahig, naisip niyang malamang lasing itong si Baron.

“Hoy! Wag namang ganyan pag nakainom ka!” sigaw ni Sanny kay Baron.

Dinuro ni Sanny si Baron at sinabing, P*7@n6i##@ ka! Umalis ka rito... wala kang pakialam sa buhay namin!

Umalis si Sanny dahil away mag-asawa naman ito. Palabas pa lang siya ng bakuran ng may sumigaw sa kanya. “Sanny! Takbo na! Papatayin ka ni Baron. Ayan na siya…”.

Paglingon niya pinagsasaksak na lang siya nitong si Baron gamit ang pait. Natamaan ang kanang bahagi ng kanyang leeg. Nahulog siya sa kanal. Napahiga siya’t patuloy pa rin umano siyang pinagtataga nitong si Baron.

Hindi daw totoong walang talim ang pait. Sa katunayan ginamit niya ang kanyang braso para umilag.

Nang masalag niya ang kamay ni Baron. Sinuntok niya ito sa nguso. Nakaahon siya sa kanal. Hindi naman nagpaawat si Baron sinugod siyang muli nito. Kinubabawan siya’t tuloy pa rin umano ang pananaksak.

Mabuti na lang at dumating ang kapatid ni Sanny na si “Boy”. Hinila siya ng kapatid. Si Celia naman inawat ang mister at inakyat sa kanilang bahay.

Sa tulong ni Rody Dimapilis, isang kapitbahay mabilis siyang naisugod sa Doctor Poblete Memorial Hospital.

Iko-confine sana siya rito subalit nung mga panahong yun walang pambayad ng ospital si Sanny. Ayon sa kanya nakiusap siya sa doktor na sa bahay na lang siya magpagaling. Pinapirma na lang siya ng ‘waiver’ bago ilabas.

Halos ikamatay umano niya ang tinamong taga sa leeg. Ang dalawang anak niyang lalake ang tanging nag-alaga sa kanya.

“Nagpalaga na lang ako ng maanghang na sili at bawang para pagpawisan ako’t bumaba ang lagnat ko,” kwento ni Sanny.

Kinabukasan, nagpunta sa kanila ang isang opisyal ng barangay na si Felix Baiya para imbestigahan ang insidente.

Matapos magpagaling, dinala niya ang usapin sa barangay. Nagkaroon ng patawag sa magkabilang panig subalit tatlong beses na hindi sumipot si Baron.

“Ayaw niyang sumipot sa barangay. Magtatanong daw muna siya sa abugado dahil nasira ko daw ang pustiso niya!” sabi ni Sanny.

Lumuwas ng bayan si Sanny para magpa-blotter sa presinto. Nang makatunog si Baron na siya’y idedemanda umalis na umano ito sa San Alfonso at nagtago.

Nakiusap ang lolo ni Sanny na si Buenaventura na kung maari’y huwag na ituloy ang kasuhan dahil kamag-anak nila si Celia, hindi na ito iba sa kanila.

Hindi tinuloy ni Sanny ang reklamo. Taon na ang lumipas ng bigla na lang siyang puntahan ni Felix sa bahay at sabi­hing may ‘warrant of arrest’ siya para sa kasong Frustrated Murder.

Dumating ang mga pulis. Hinuli siya’t dinala sa presinto. Tatlong gabi umano siyang nakulong. Araw ng Lunes ng siya’y makapagpiyansa sa halagang Php7,000.

Nagkontra demanda si Sanny. Tinuloy niya ang pagsampa ng kasong Frustrated Homicide laban kay Baron. Hanggang ngayon dinidinig pa rin ang kanilang kaso sa Municipal Trial Court, Alfonso Cavite. Habang ang kasong sinampa nila Baron laban sa kanya, dismissed na ayon sa kanya.

Giit ni Sanny, wala siya umanong baril. Hindi daw totoo ang akusasyon sa kanya. “Kung may baril ako makakalapit pa ba siya sa akin? Masasaksak pa ba niya ko?”.

 Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang panig ni Sanny.

Tinawagan namin sa radyo si Baron para pagharapin sila ni Sanny. Tinanong namin si Baron kung totoong naabutan siya ni Sanny na sakal-sakal ang kanyang asawa habang sinusuntok ito. Tinanggi naman niya ito at sinabing, “Siya po ang nanggugulpi ng asawa… hindi ako!”.

“Ah ganun ba? Bakit hihingi ng tulong ang hipag mo kung hindi ka nanggugulpi?” pambarang sagot ni Sanny.

Naging mainit ang sagutan ng magkatunggaling panig. Dumating din sa punto na sinabi ni Baron na kapag nalalasing daw itong si Sanny pinaghuhubad daw umano ang asawa at pinagsasayaw sa harap ng tao. Nagkasigawan at naglabasan ng mga baho ng isa’t-isa.

ABANGAN ang ibang mga detalye sa away nila Sanny at Baron sa MIYERKULES. EKSLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

Email address: [email protected]

BARON

CELIA

NIYA

SANNY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with