Ang bitay
TILA nanlalamig na naman ang usapan tungkol sa revival ng parusang bitay sa mga buktot na krimen. Pabagu-bago palibhasa ang mga isyung nagsusulputan nitong nakalipas na ilang araw.
Pabor ako sa bitay pero sa kondisyong mayroon ta-yong mahusay na sistema ng katarungan. Na ang mga nahahatulan ay yung lamang mga tunay na nagkasala. Pero depektibo pa rin ang ating criminal justice system. Halimbawa, matapos ang 15-taong pagdurusa sa kulungan, biglang napatunayan ng Korte Suprema na si Hubert Webb at mga kasamahan ay hindi guilty beyond reasonable doubt sa Vizconde Massacre. Napalaya sila na naunang sentensyadong guilty. Papaano kung may parusang bitay nang mga panahong yaon? Mabaliktad man ang hatol ay mabubuhay pa ba ang mga binitay? Kaya malamig ang tugon ng Malacañang sa panukalang ibalik ang bitay.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. ang mahalaga ay ang kapasidad ng mga tagapagpatupad ng batas na manghuli ng mga kriminal, mapag-usig nang maayos, mahatulan at maparusahan ang mga ito.
Para sa akin, mabuti ang parusang bitay sa mga tunay na nagkasala. Pero sa isang lipunang madaling mag-imbento ng asunto at gumawa ng mga ebidensya sa panig ng mga taong may salapi at impluwensya, mahirap magpatupad ng capital punishment.
Ani Ochoa, “our priority should be to deter criminals from committing crimes of every nature, and every study on the subject will tell you that certainty of capture and conviction is a far better deterrent than harsh penalties that are moot if the criminal is never caught.”
Tama ang kaisipang iyan pero dapat munang baguhin ang kultura ng palakasan. Dapat walang sinisino ang batas. Dapat ang mga tagapagpatupad ng batas – mula sa pulisya hanggang sa hudikatura ay walang kinikilingan.
Mayaman man o mahirap, may impluwensya o wala, kailangang pantay-pantay ang pagtrato sa mga suspected criminals.
- Latest
- Trending