SINO ba naman ang mag-aakala na biglang may lilitaw na surprise witness sa Senado nu’ng Huwebes? Sino ang mag-aakala na ang witness, si dating Armed Forces of the Philippines Lt. Col. George Rabusa ay maglalantad ng mga katiwalian sa perang militar noong 1999-2004? At sino’ng mag-aakala na ididiin ni Rabusa ang mga amo noon: Sina dating defense secretary at AFP chief of staff Angelo Reyes, at magkasunod na comptrollers Lt. Gen. Jacinto Ligot at Maj. Gen. Carlos Garcia?
Isa ako sa mga nagulat nang ipresenta ni Sen. Jinggoy Estrada si Rabusa. Noong una kong in-expose ang P303-milyong pangungulimbat ni Garcia nu’ng 2004, inulat ko ang tips ng sources na kasangkot niya sina Rabusa at AFP chief accountant Generoso del Castillo Jr. Kung hindi ako nagkakamali, pinasuspindi at inimbestigahan sila ng Ombudsman.
Nu’ng Huwebes, sa interogasyon ni Senador Jinggoy, binunyag ni Rabusa na dinalhan nila ni Ligot si Reyes ng “pabaon” na P50 milyon cash, nang mag-retire ang huli bilang chief of staff nu’ng 2001. Ipina-convert pa nga raw nila sa dollars ang pera, dahil napaka-kapal ng pesos, nang dalhin nila sa “White House” quarters ni Reyes sa Camp Aguinaldo. Dagdag pa ni Rabusa, hinahanda nila ni Ligot, at pagkatapos ay ni Garcia, bilang comptrollers, ang P40-milyong buwanang “baon” ng mataas na opisyal-militar.
Napeligro ang buhay ni Rabusa sa pagtestimonya sa Senado. Kung ipagpapatuloy niya ang kagitingan, kauutangan siya ng loob ng bansa, tulad ng pagdakila ngayon sa mga naunang whistleblowers. Banggitin natin ang ilan: Clarissa Ocampo, Jun Lozada, Joey de Venecia, Dante Madriaga, at Heidi Mendoza.
Kahanga-hanga ang record ni Senador Jinggoy. Walang-patid ang paglahad niya ng smoking gun sa mga inquiry ng Senado sa katiwalian. Namilipit sa interogasyon niya noon ang mga kumidnap kay Lozada. Ngayon napalitaw niya ang matagal nang bulung-bulongan sa militar.