MAY mga naka-deploy na umanong marshalls sa mga pampasaherong bus. Umano’y dalawang marshalls ang aakyat sa mga bus at mag-iinspeksiyon. Maaari raw kausapin ng mga pasahero ang mga marshall. Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdedeploy sa mga marshall ay bahagi ng security measures kaugnay sa naganap na pambobomba noong Enero 25.
Pero bukod sa marshalls, mayroon ding epektibong paraan na naiisip ang NCRPO para ganap na mapigilan ang mga gagawa ng karumal-dumal. Ito ay ang paglalagay ng mga closed-circuit television sa bawat sulok ng Metro Manila upang madaling ma-identify ang mga criminal. Ayon sa NCRPO, hindi sapat ang mga CCTV na inilagay ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Marami raw bahagi ang hindi namo-monitor ng CCTV ng MMDA kaya hindi ganap na makikilala ang mga gagawa ng kabuktutan. Kung maisasakatuparan ang paglalagay ng CCTV sa maraming bahagi ng Metro Manila maaaring mahuhuli agad ang mga gagawa ng karumal-dumal.
Kung ang balak na ito ay naisakatuparan na noon pa, maaaring madaling makilala ang nag-iwan ng bomba sa Newman Goldliner Bus. Maaa-ring nairekord ng CCTV ang mga kilos ng mga nagtanim ng bomba at maaaring nahuli na sila. Lima ang namatay sa pambobomba at humihingi ng hustisya ang mga kaanak ng biktima ganundin ang mga nasugatan. May cartographic sketches nang ipinalabas ang PNP pero wala pa rin itong katiyakan. Ayon sa mga witness, dalawang lalaki ang sumakay sa may Malibay, Pasay pero bumaba umano sa Evangelista St. Makati. Nag-offer ng P1-million si President Aquino sa mga nagsagawa ng pambobomba.
Makatutulong ang CCTV sa paglutas ng krimen. Tama ang balak ng NCRPO. Mas maganda kung makipag-ugnayan sila sa MMDA upang mapabilis ang pagsasakatuparan ng balak. Nararapat na sa babaan at sakayan ng bus ilagay ang CCTV. Ituloy ang balak na ito para maging madali ang paghuli sa mga criminal lalo na ang bombers na mga “kampon” ng demonyo.