NAIS ko munang batiin ang naganap na pagdiriwang sa ika 400 taong kapistahan ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Kaugnay nito ang 76th UST ALPA homecoming 28-29 Enero 2011 naming mga pari na nagtapos sa UST Central Seminary sa temang: “Signs of God’s Unending Grace”. Ganun din ang ika-83 taon ng Varsitarian ang pinaka-pahayagan ng katotohanan ng mga mag-aaral na itinatag noong ika-16 ng Enero 1928. Salamat din sa Panginoon at ako’y naging bahagi ng Varsitarian bilang Pilipino Editor.
Sa unang pagbasa ay ipinababatid sa atin ni Pro-peta Sofonias na ang mapagpakumbaba ay pinipili ng Panginoon upang ipagkaloob ang Kanyang pangako at pagsaklolo. “Mga aba ay mapalad, Diyos ang hari nilang lahat”. Paalaala rin ni Pablo na huwag tayong magmalaki sa harapan ng Diyos sapagka”t ito ang kahangalan ng sanlibutan. Ang Diyos na nagpapawalang sala sa atin ang dapat nating ipagmalaki.
Ang ating kapakumbabaan ang nagbibigay sa atin ng magandang kinabukasan, kapalaran at kabanalan. Ang pagiging mapalad ang tagumpay ng mga pagsubok sa ating buhay.
Tinuruan tayo ni Hesus na mapalad ang mga aba, nahahapis, magpagpakumbaba, nagmimithing matupad ang Diyos, mahabagin, malinis na puso, gumagawa ng pagkakasundo at mga pinag-uusig sapagka”t malaki ang ating gantimpala sa langit.
Kaya tayo ay magdiwang at magalak. Ang kapa-kumbabaan ay wagas na kapalaran.
Huwag tayong magtampo sa mga pagsubok sa atin ng Panginoon, manapa’y magpasalamat tayo sa Kanya sapagkat lubusan Niya tayong pinagkakatiwalaan. Mapalad tayo at magalak sapagka’t mahal na mahal tayo ng Panginoon.
Sa ika-2 ng Pebrero ay kapistahan ng pagdadala kay Panginoong Hesus sa templo. Ito ang tinatawag nating Candelaria: “Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil at magbibigay karangalan sa iyong ba-yang Israel.”
Sa ika-3 naman ng Pebrero ay kapistahan ni San Blas, ang araw ng pagbabasbas ng lalamunan upang gumaling ang mga may kapansanan at mai-pahayag sa pamamagitan ng ating lalamunan ang katotohanan.
Sofonias 2:3, 3:12-13; Salmo 145; 1Cor 1:26-31 at Mt 5:1-12a