MAY senate investigation ngayon tungkol sa pangungurakot diumano ni dating AFP Chief of Staff Angie Reyes. Pero ayon sa umaming magnanakaw na si retired Colonel George Rabusa, matagal na raw at “tradition” na ang pangungurakot ng mga AFP Chiefs of Staff.
Credible o kapani-paniwala ang dating ng walanghiyang colonel na ito. Kaya siya pumiyok ay gusto niyang maging state witness para makalibre sa parusa at ma-enjoy ang kanyang mga ninakaw.
Dahil “tradition” na itong nabanggit na klaseng pangungurakot, dapat lang na maimbestigahan ng Senado ang lahat na mga naging Chiefs of Staff tulad ni Fidel Ramos at Renato de Villa. Pero bayan, may mangyayari ba riyan sa Senate investigation na iyan?
Ano na ang nangyari sa imbestigasyon hingil sa mga pangungurakot ng mga opisyal ng mga GOCC na ginawa ni Big Man kuno o big mouth ng Senado na si Frank Drilon? Ano na ang nangyari sa pinangalandakang imbestigasyon ni Juan Ponce Enrile laban kay Manny Villar at marami pang ibang mga imbestigasyon tungkol sa jueteng, corruption ni Mike at Gloria Arroyo, etc. etc.?
Bayan, ayon sa Saligang Batas, sovereignty kuno resides in us. Sovereign kuno tayo dahil tayo ang nagtatalaga sa puwesto ng ating mga opisyal sa pamamagitan ng election. Sarap pakinggan pero, dapat nahahalata na natin na inu-unggoy lang tayo ng mga namumuno sa atin at kasama riyan ang Senado, ang ating protector of the people kuno na AFP, at higit sa lahat si GMA na hanggang ngayon ay libreng-libre at kongresista pa.
But in fairness to GMA, halos lahat ngayon ng mga opisyal natin ay mga “GMA” din naman as in GANID, MANDARAMBONG at ABUSADO.
Bayan hanggang kailan natin titiisin ang panggagago sa atin? Sa ganang akin, nilabanan ko si GMA noong taong 2005 when I resigned as Chairman of the NLRC because “I wanted no part of her overly corrupt and illegitimate regime.” Nauna pa nga ako ng 10 araw na mag-resign sa grupo ni Dinky Soliman or the Hyatt 10. Inuulit ko, kahit wala na si GMA, marami pa ring GMA. Kung mahal natin ang Inang bayan dapat mandiri tayo sa mga GANID, MANDARAYA at ABUSADA at ituring natin ang ating mga sarili na mga Mandiri-GMA laban sa kanila.
Magkaisa at ituloy natin ang digmaan laban sa mga GMA!