Officers and gentlemen?
NAGSALITA ang isang sundalo na dating tauhan ng mga AFP chief of staff na tumanggap si dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes ng P50 milyon bilang regalo sa kanyang pagretiro mula sa AFP. Tradisyon umano ito para sa mga paalis na chief of staff. Hindi pa malinaw kung kay Angelo Reyes nagsimula ang tradisyon na ito, pero ayon kay dating Lt. Col. George Rabusa, nakinabang din sina Gen. Diomedio Villanueva at Roy Cimatu na sumunod kay Reyes.
Kaya ginisa si Angelo Reyes sa Senado ukol sa regalong ito. Ang sagot niya ay tila patunay na rin na may ganitong sistema nga sa AFP. Hindi raw niya maalala! Paano niya hindi maaalala ang P50-milyon? Siguro hindi niya maalala ang halaga dahil marami siyang tinatanggap na iba pang pera mula kung saan-saan. Tandaan na hindi siya nawalan ng posisyon kailan man habang nakaupo si Gloria Macapagal-Arroyo! Pati mga tanong niya kay Rabusa ay tila pinakita na ang kanyang tunay na kulay! Naging suwapang ba raw siya? Nakialam ba raw siya sa pagkilos ng pera? Siya ang AFP Chief of Staff, dapat makialam siya, pero buwelta ni Rabusa, ayaw daw niya pumirma kahit saan, para siguro hindi siya masangkot sa anumang makitang anomalya!
Ano ba ang mahirap sa pag-imbestiga sa isang tao ukol sa nakaw na yaman, o yaman na hindi mapaliwanag? Sa sundalo, napakadaling imbestigahan iyan! Magkano lang ang suweldo ng sundalo, kahit heneral pa, kahit ilang taon nang nasa serbisyo? Titingnan mo lang kung saan nakatira. Kung mamahaling lugar, paano binili ito? Titingnan mo lang ang sasakyan. Magkano ang dapat sahod ng isang tao para makabili ng sasakyang P2- milyon o mahigit ang halaga? Titingnan mo lang ang passport. Paano makakapunta sa Amerika, pati mga anak at asawa, kung tiket pa lang ay halos P40,000? Titingnan mo lang ang asawa. Anong suot na alahas, anong mamahaling bag ang dala? Lahat iyan ay napakadaling tingnan at hingan ng paliwanag. Bakit hindi magawa-gawa nung panahon ni GMA, bakit hindi magawa ng BIR?
Isipin na lang natin ang mga sundalong namamatay para sa seguridad ng bansa. Naririnig natin ang mga kuwento nila na madalas wala silang pagkain sa gubat, lasug-lasog na uniporme at combat boots, kulang at palpak na bala, mga bala ng mortar na paltos at iba pang hinaing ng sundalo. Tapos mga heneral nagbibilang lang ng buwan bago magretiro para matanggap ang mga regalo nila! Napakalaking tulong sana sa mga sundalo sa field kung napunta na lang ang mga pondo para sa mga pangangailangan nila, at hindi sa mga bulsa ng heneral! Hindi ko kinukunsinti ang ginawa ng Magdalo, pero naiintindihan ko kung bakit nila ginawa ang pag-aalma sa Oakwood.
Kaya isang paghamon muli ito sa pamahalaan ni President Aquino. Linisin na ang ganyang sistema sa AFP, at baka guminhawa pa ang sitwasyon ng mga sundalong talagang lumalaban at namamatay para sa seguridad at kalayaan ng bansa. At para naman sa mga nakinabang na sundalo, magmula kay Garcia at lahat na ng nakinabang, habulin at ipabalik ang perang hindi nila mapaliwanag. Hindi na sila nahiya. Mga sundalo sila na akala ko pa naman ay angat sa lahat. Wala rin palang pinagkaiba sa pinaka-mababang kriminal.
- Latest
- Trending