Diversionary tactic nga ba?

TERORISMO. Iyan ang malakas na sapantaha ng pamahalaan sa naganap na pambobomba sa isang bus sa Makati kamakailan na ikinasawi ng ilang pasahero. Sabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. kumikilos ang gobyerno para tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan. Pero tama si Ochoa. Dapat maging vigilant o mapagmasid ang mamamayan at makipagtulungan sa gobyerno para mapigil ang salot na ito.

 Si Ochoa ang namumuno sa Anti-Terrorism Council (ATC) na nagsasaayos sa mga polisiya na’ng matugunan ang mga banta ng terorismo sa bansa. Ang ATC ay sa pamamahala ng isang program management center na naglalayong bumuo ng mahusay na intelligence network.

Isa ako sa mga kolumnistang kinapanayam ng bete-ranang newsperson na si Luchie Cruz Valdez sa kanyang programang Journo sa TV-5. Taped interview ito na mapapanood sa TV-5 sa Martes ng hatinggabi. Tinanong ako ni Luchie kung naniniwala ako sa teoryang diversionary tactic ang nangyaring pambobomba. Kumbaga’y taktika para ilihis ang isyu hinggil sa posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng gobyerno sa serye ng mga ma­dudugong carjacking incidents.

Naisulat ko na ang paksang ito kaugnay ng posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng pulisya at LTO sa pagrerehistro ng mga nakaw na sasakyan upang malayang maibenta sa merkado. Kaya nga nang pumutok ang balita tungkol sa bombing, sa isang iglap ay sumulpot sa utak ko na ito’y posibleng diversionary tactic. Posible ring tunay na akto ng terorismo ito gaya ng sinasabi ng gobyerno. Pero hindi mo kailangang maging isang mamamahayag o matalino para magkaroon ng ganyang haka-haka. Kahit ordinaryong tao ay ganyan ang naging sapantaha.

Subalit ano man ang rason ng ganyang karahasan — kesyo terrorist act o diversionary tactic – pareho ang epekto nito sa atin bansa at mga mamamayan. Maski papaano, mapaparalisa ang takbo ng kabuhayan dahil ang mga mamamayan ay may kaba sa dibdib at ingat na ingat ang galaw kapag lumalabas ng tahanan. Gaano man kahusay ang pamahalaan, kailangan ang pakikipagtulungan ng mamamayan. Ang mga na-oob-serbahang kahinahinalang galaw ng mga tao sa ating paligid ay huwag balewalain bagkus isumbong sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Show comments