'Pusong Pinoy' (Pusong panalo)
UPANG higit na palawigin ang layon namin na makapaghandog ng serbisyo publiko sa ating mga kababayan na kapus sa buhay. Kami ay nakiisa sa isang institusyon na subok na ang pagtulong sa kapwa.
Isang ahensya ng gobyerno na tumutulong sa libu-libong Pilipino upang maibsan ang kanilang pasanin tungkol sa gastusing medikal. Isang tanggapan na nagbibigay pag-asa na guminhawa ang kabuhayan ng isang maralita sa isang iglap lamang. Ang tinutukoy namin ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang PCSO at ang “Calvento Files” ay magkaakibat sa isang programa sa radyo na magsisimula bukas. Alas 7:00-8:00 ng umaga sa DWIZ 882KHZ. Ito ay ang programang “PUSONG PINOY”.
Ang ‘main host’ ng “PUSONG PINOY” ay ang batang-batang General Manager ng PCSO. Si Atty. Jose Ferdinand Rojas II o Atty. Joy kung tawagin. Kasama rin sa programa ang aming ‘staff’ na si Monique Cristobal.
Itatampok sa programang “PUSONG PINOY” ang iba’t ibang proyekto na ipatutupad ng bagong liderato ng PCSO sa pamumuno ni Chairman Margarita Juico. Maliban pa rito ay ang mas lalong paiigtinging mga palaro ng Philippine Lottery o LOTTO, KINO at ang bantog na Sweepstakes Draw.
Ang programang “PUSONG PINOY” sa DWIZ ay lalakbay sa iba’t ibang District Offices ng PCSO hindi lamang sa Northern, Central, Southern Luzon at Bicol Region kundi pati narin sa Visayas at Mindanao.
Sa unang pagtatanghal bukas ng “PUSONG PINOY” madidinig ninyo kung paano ang isang tatlong taong batang babae na itatago namin sa pangalang “Irish” na may problema sa kanyang atay ay nabigyan ng pagkakataong humaba pa ang buhay sa pamamagagitan ng isang ‘Liver Transplant’.
Ang kauna-unahang Liver Transplant na matagumpay na isinagawa dito sa Pilipinas ng isang ‘medical team’ na puro ‘Filipino Doctors’.
Ang pagsagip sa buhay ni Irish ay dahil na rin sa tulong PCSO at pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Medical City.
“Dati kapag kailangan ng liver transplant pinapadala pa sa Hong Kong ang mga pasyente kung saan umaabot ang gastos sa walong milyon. Kung minsan sa Taiwan, limang milyon naman ang gastos,” pahayag ni Atty. Joy.
Matapos ang operasyon si Irish ngayon ay nagpapagaling na siya sa Medical City at hindi magtatagal maari na naman siyang mamuhay na parang isang normal na bata. Ang ‘donor’ naman, ang kanyang tiyuhin na si Jefferson Llantino ay maayos narin namang nagre-‘recover’.
Hindi na mabilang ang mga taong natulungan ng PCSO. Ang tanggapang ito ay nagsimula pa nung Panahon ng Kastila, taong 1833 at hindi na napigilan ang paglaki dahil nga maganda ang hangarin.
Ngayon sila ay tumutulong sa pagbibigay ng libreng gamot tulad ng mga chemodrugs (para sa may mga cancer), ang pagda-dialysis sa pasyenteng may problema sa ‘kidney’. Maging ang mga hospital procedures tulad ng pangbayad sa ‘laboratory’ at ‘diagnostic’ (mga pagsusuri). ‘Organ implants’ at ‘prosthetics’ na para sa mga taong naputulan ng binti at kamay dahil sa aksidente. ‘Hearing aids’ at pagbibigay ng ‘wheel chairs’.
Sa mga iba ring pagkakataon tumutulong rin sila sa mga taong napinsala sanhi ng krimen at karahasan (medico legal cases).
Itinampok rin namin ang dalawang lumapit sa CALVENTO FILES na binaril ng ‘shot gun’ sa mukha na kinailangang sumailalim sa ‘nose implant’ o pagpapalit ng ilong na si Eric Aurellana. Si Eric matapos gawin ang ‘surgical procedure’ binayaran ng PCSO ang halagang Php245,000.
Si Cristito Marquez naman, isang ‘CCTV camera installer’ ay isa ring biktima ng pamamaril ng shot gun na naging dahilan para maputol ang kanyang kamay ay tinulungan rin nila Atty. Joy at ng PCSO.
Wala siyang pambayad sa ospital at kinailangan niyang maiwan ng higit sa panahon na dapat siyang mamalagi.
Ayaw siyang payagan ng ospital na umuwi kahit na handa siyang pumirma ng ‘promissory note’. Mabilis na tinulungan ng PCSO si Cristito ng siya’y bigyan ng PHP80,000 para makauwi na siya ng bahay at makapagsimulang muli.
Nangako rin sina Atty. Joy na gagawan nila ng paraan na malagyan ng prosthetic sa kaliwang kamay itong si Cristito.
Itong kauumpisa palang ng taong 2011, marami na ring tumulong na mabubuting loob sa mga taong lumalapit sa CALVENTO FILES. Apat (4) na wheelchairs na ang napamigay namin sa mga pasyenteng nakaratay dahil sa karamdaman. Dahil na rin sa isang nag-magandang loob na kaakibat namin sa programa, si Mr. Ding Pangilinan ng Theodore Hotel sa Tagaytay at Crystalline Resort sa Talisay ang nagbigay ng wheelchairs.
Kami ay nagpapasalamat kay Ding, sa kanyang asawang si ‘Baby’ at kanyang buong pamilya sa kanilang busilak na kalooban.
Alamin ang kumpletong detalye ng lahat ng ito at marami pang iba. BUKAS mula 7:00-8:00 ng umaga sa DWIZ 882KHZ. Sa unang pagtatanghal ng programang “PUSONG PINOY”. Tandaan ang ‘PUSONG PANALO ay PUSONG PINOY’.
(KINALAP NILA DEN VIANA, AICEL BONCAY AT MONIQUE CRISTOBAL)
SA mga nais humingi ng tulong sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) sa kanilang problemang medikal (lamang) maaring makipag-ugnayan sa aming tanggapan sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Hanapin si Monique Cristobal.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending