King Arthur at ang bruha

LULUSUBIN ng karatig-hari ang Camelot ni King Arthur. Aatras lang siya sa isang kundisyon. Sagutin dapat ni King Arthur sa loob ng isang taon ang tanong: Ano talaga ang gusto ng babae?

Inusisa ni King Arthur lahat sa korte: Pare at pantas, pati pusong. Walang makasagot. Pinayo nila na puntahan ni King Arthur sa kuweba ang bruha, na tanging makakalutas ng gan’ung tanong. Pero mahal ang kapalit; ugali ni bruha maningil ng imposibleng ibayad sa konsultasyon.

Dumatal ang huling araw ng tinakdang taon. Pinalibutan ng army ng karatig-hari ang Camelot. Napilitan si King Arthur tunguhin si bruha. Payag ito sagutin ang tanong. Pero dapat umoo si King Arthur sa presyo.

At ano ito? Ani bruha nais niya asawahin si Sir Lancelot, pinaka-makisig na Knight ng Round Table at pinaka-kaibigan ni King Arthur. Napabalikwas si King Arthur. Sagot niya: “Paano papayag si Lancelot? Ang pangit at baho mo, at nakaka-kilabot ang tinig.”

Nang mabalitaan ito ni Lancelot, sinabi niya kay King Arthur na isasakripisyo niya ang kapalaran alang-alang sa Camelot. Kaya itinakda ang kasal. At sinagot ni bruha ang tanong ni King Arthur:

“Talagang gusto ng babae ay mapamahalaan ang sariling buhay.”

Batid agad ng madla ang katotohanang winika ni bruha; maliligtas ang Camelot. Natuloy ang kasal nila ni Sir Lance­lot. Nang gabing ‘yun tinatagan ni Lancelot ang sarili. Laking gulat niya nang makitang ang nasa silid ay napaka-gandang babae. Ito pala si bruha, na nagsabi: “Dahil sa kabaitan mo na pakasalan ako, pinasya ko na magiging maganda ako kalahati ng araw, at bruha sa kalahati. Pumili ka, Lancelot, kung kailan mo nais ako maganda at bruha, sa araw o gabi?”

Kung ikaw si Sir Lan­ce­­lot, ano ang isasagot mo?

Sa totoo, mabilis ang tu­gon ni Lancelot. “Bahala   ka kung kailan mo nais maging maganda o bruha,” aniya. “Pamahalaan mo ang sarili mo.”

Sa tuwa ng bruha, pinasya niya na maging maganda buong araw.

Show comments