Napawalang-sala
UMABOT din sa limang taon ang kalbaryong sinapit ng Amerikanong si Joel Bander dahil sa inimbentong kaso sa kanya. Si Bander ay sinampahan ng kasong acts of lasciviousness sa Manila RTC ni Cristina San Jose. At sa loob ng limang taon, nagdusa si Bander. Subalit natapos na rin ang kalbaryo ni Bander nang i-dismiss kamakailan ni Judge Joel Lucanan ng RTC Branch 37 ang kaso. Ang dahilan? Hindi nagpakita sa hearing si San Jose. At hindi lang yan? Napatunayan din ng korte na si San Jose ay huwad at ang ibinigay na home address sa complaint ay isang abandonadong warehouse. Kaya hindi nahirapan si Judge Lucanan na i-dismiss ang kaso.
Si Bander ay criminal at immigration lawyer sa California. Hinawakan niya ang isang kaso laban sa isang diyaryo sa Glendale, California na karamihan sa mga empleado ay Pinoy. Ayon sa records ng Superior Court of California, ang Bander law firm ay kumatawan sa Asian Journal Publications Inc., na nagsampa ng kaso laban sa Balita editors at may-ari nito. Dito nag-ugat ang kalbaryo ni Bander.
Napag-alaman na isang editor ng Balita, kasama ang isang reporter ng NAIA press club ang sumulat kay dating Bureau of Immigration Commissioner Marcelino Libanan para isama ito sa listahan ng undesirable aliens sa bansa. Ang ginawang dahilan ay ang kaso na isinampa umano ni San Jose kay Bander. At sinang-ayunan naman ni Libanan ang request ng dalawang reporters.
Sinabi ni Sigfrid Fortun, abogado ni Bander, ang kaso ni San Jose ay gawa-gawa lamang ng mga kalaban ng kliyente niya para i-discredit o iharas siya habang ang kasong hawak niya sa Southern California ay umaandar pa. Hindi ko lang alam kung ang mga kalaban ni Bander sa US ang nasa likod ng kasong isinampa ni San Jose dahil wala naman akong nakitang ebidensiya. Pero siyempre, natuwa si Bander dahil na-dismiss na ang kaso. “I finally got justice for a crime I did not commit,” ani Bander. “I got a first-hand lesson on how the justice system works in the Philippines and it is not funny.” May balak kaya si Bander na balikan ang mga umagrabyado sa kanya?
Abangan!
- Latest
- Trending