ANG isa sa kinakatakutan ng lahat ay ang pagdating ng operasyon, lalo na ang gagastusin para rito. Saan may murang operasyon? Paano makapagtitipid?
Sa artikulong ito, ililista ko ang mga pangkaraniwang operasyon, at humigit-kumulang ang magiging gastos ninyo sa pribadong ospital kumpara sa pampublikong ospital.
Nagpapasalamat ako sa mga payo ni Dr. Anthony Ang, isang napakabait at napaka-charitable na surgeon sa Manila Doctors Hospital.
1. Gallbladder surgery o pagtanggal ng apdo:
Charity hospital: P 10,000 hanggang 20,000
Private hospital: P 60,000 hanggang 80,000
2. Myoma surgery o pagtanggal ng myoma sa bahay bata:
Charity hospital: P 10,000 hanggang 20,000
Private hospital: P 60,000 hanggang 70,000
3. Thyroid surgery o pagtanggal ng goiter sa leeg:
Charity hospital: P 10,000 hanggang 25,000
Private hospital: P 60,000 hanggang 80,000
4. Hernia surgery o pag-ayos ng luslos sa singit:
Charity hospital: P 10,000 hanggang 20,000
Private hospital: P 60,000 hanggang 70,000
5. Angiogram o pagsilip ng mga ugat sa puso:
Charity hospital tulad ng PGH o Heart Center:
P5,000 hanggang 10,000
Private hospital: P 40,000 hanggang 60,000
6. Heart bypass surgery o pag-opera sa puso:
Charity hospital: P 150,000 hanggang 200,000
Private hospital: P 500,000 hanggang 750,000
7. Cataract surgery o pagpalit ng lente sa mata:
Charity hospital: P 5,000 o minsan libre
Private hospital: P 25,000 hanggang 40,000
Ganito po ngayon ang kalakaran sa operasyon sa Pilipinas. Wala nang mas mura pa. Magtiwala at kumunsulta sa ating mga charity hospitals tulad ng PGH, East Avenue Medical Center, National Orthopedics Center, Philippine Children’s Medical Center, at marami pang iba.
O papaano na iyan? Nahilo ba kayo sa dami ng “000”? May balak pa ba kayong manigarilyo, at kumain nang matatabang pagkain? Gusto pa ba na-ting abusuhin ang ating katawan sa pag-inom ng alak at iba pang bisyo? Kung wala kayong ganitong pera para magpaopera, ay maigi nang mamuhay ng malinis at kumain nang tama.
Huwag matakot magpatingin sa doktor. Alamin natin ang ating sakit nang maaga para malunasan ito. Huwag nang hintayin pa na umabot sa operasyon.
Grabe ang mahal!