EDITORYAL - Dakmain ang protectors ng carjacking group
HINDI dapat matabunan ang isyu sa carjacking ng nangyaring pambobomba sa isang bus sa Buendia, bagkus ay lalo pang paigtingin ang paghahanap sa mga kasabwat ng itinuturong leader ng grupo na si Raymond Dominguez. Kusang sumuko si Dominguez noong Sabado sa Bulacan PNP sapagkat nangangamba raw siya na may mangyari sa kanya. Hawak ng CIDG si Dominguez. Una nang sumuko ang dalawang suspek at itinuro ang magkapatid na Dominguez na utak ng pagpatay kay Venzon Evangelista, car dealer. Tinangay umano ng grupo ang Land Cruiser ni Evangelista habang tinitest-drive sa Cubao, Quezon City. Makaraan ang ilang araw, natagpuan ang sunog na bangkay ni Venzon sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Binaril sa ulo at saka sinunog kasama ng mga goma si Venzon.
Una namang natagpuan ang bangkay nina Emerzon Lozano at Hernani Sensil. Si Lozano ay anak ni Marcos loyalist Atty. Oliver Lozano. Si Sensil umano ay isang drayber. Magkahiwalay na nakita ang mga bangkay ng dalawa. Si Lozano ay natagpuan sa Mabalacat, Pampanga samantalang si Sensil ay sa La Paz, Tarlac.
Maraming kasong nakasampa ang itinuturong carjack leader na si Dominguez at labis na ipinagtaka kung bakit mabilis itong nakapagpipiyansa. Umano’y may 30 kaso si Dominguez at lahat ay napiyansahan. Ang huling pagpiyansa umano ni Dominguez ay noong Disyembre 28, 2010.
Isang nadismiss na police official ang itinuturong protector ng Dominguez carjack group. Nadismis ang pulis dahil sa kasong carnapping. Bukod sa pulis, maraming opisyal at tauhan umano sa Land Transportation Office (LTO) ang kakutsaba ng Dominguez group para mairehistro ang mga kinarjack na sasakyan.
Unti-unti nang nahuhubaran ang notorious na grupo. Hindi siguro magtatagal at unti-unti nang lilitaw ang may kaugnayan sa pamamayagpag ng grupo. Dapat din namang mahubaran ang mga hukom na nagbigay pahintulot na makapagpiyansa sina Dominguez. Sila ang mga tinatawag na “hoodlum in robes”. Pagsama-samahin sila sa kulungan.
- Latest
- Trending