MARAMING kababayang Pinoy dito sa US ang kumausap sa akin kailan at tinanong ako kung ako daw ay naniniwala sa style ng pamamahala ni President Noynoy Aquino. Kapansin-pansin daw na todo-pasa lamang siya sa mga kapalpakan ng kanyang mga tauhan lalo na ng mga malalapit sa kanya. Kahit na ilang ulit nang nagkamali ay hindi pa rin niya inaalis ang mga ito at sinasabi na lamang niya sa madla na hindi magtatagal at matututo na rin ang mga ito. Ang tawag ng iba rito ay on the job training.
Nababahala ang mga Pinoy dito na si P-Noy ay masyadong relax sa mga nagaganap na pangyayari sa kapaligiran. Alam niya ito subalit maaaring sa loob niya ay kayang- kaya niyang hawakan ito. Ang gustong sabihin ng mga Pinoy dito ay: Maraming gustong magpabagsak kay P-Noy kahit na mga kapartido at mga kasamahan niya; Sa loob mismo ng Malacañang ay may iba’t ibang factions na kapansin-pansin ay nagbibigay na ng sakit ng ulo sa ating pangulo.
Dito pa lamang sa dalawang problemang binanggit ng mga Pil-Ams ay maaari nang magpabagsak sa administrasyon ni P-Noy at walang duda ay magiging dahilan ng pagkakagulo sa takbo ng ating bayan at sa lalong paghihirap ng ating mga mamamayan. Marami ang natatakot na malapit nang dumating ang panahon na hindi na daw marahil makukuha pa ng pangulo na mabigyan niya ng solusyon ang lahat ng problema dahil sa dami at sabay-sabay na nangyayari ang mga ito.
Magaganda ang mga plano ni P-Noy para sa ating bayan. Buo ang kanyang pangarap na maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino mula sa kasalukuyang kaawa-awang kalagayan, subalit, mukhang mahirap niyang matupad ang pangarap niyang ito dahil sa lumalabas na hindi niya hawak ngayon ang sitwasyon. Para bagang si P-Noy ay isang parish priest sa isang liblib na pook na maganda ang misyon subalit ang mga nasasakupan ay halos puro mga bandido na may mga masasamang layunin.
Sa mga pagkakataong katulad nito, hindi maaaring maging malamya at malambot ang dapat gawin sa mga nasasakupan, sa halip ay dapat na maging matigas, desidido at maliwanag ang mga desisyon at mga aksiyon. Marahil ay dapat nang mabago ni P-Noy ang pagpapatakbo sa kanyang administrasyon. Dapat na niyang ipatupad ang kanyang ipinangakong walang kai-kaibigan at mga kamag-anak. Dapat lamang na ang makuha ng pangulo na humawak ng mga posisyon sa gobyerno ay tunay na qualified at mapagkakatiwalaan na hindi partido at utang na loob ang pinagbabasehan. Tandaan niyang hindi naman mababawasan ang kanyang pagiging mabuting tao kung magiging matibay at matigas ang kalooban niya sa pagpapatakbo ng kanyang administrasyon.