Alcala: Kamote ihalo sa sinaing
NAINTRIGA ako sa payo kamakailan ni Agriculture Sec. Proceso Alcala. Kalahati na lang daw ng karaniwan ang isaing nating kanin, at ihalo ang kamote. Sa gayon mas susustansiya at mumura ang kain; mababawasan pa ang taunang rice shortage na kailangang i-import.
Ni-research ko agad ang nutrients. Aba’y wala palang Vitamin A at C ang kanin, pero sagana rito ang kamote; sa Vitamin B pareho lang sila. Lamang ang kamote kaysa kanin sa minerals: 8 times more ang thiamin, 12 times ang riboflavin at iron, at 70 times ang calcium.
Sabi rin ni dating agriculture chief William Dar, nadi-diabetes ang mahihirap sa lakas sa kanin, para bumawi sa konting ulam. Kasi 4 times more ang carbohydrates ng kanin kaysa kamote, at ito ay nagiging sugar kapag hindi nasusunog ng katawan. Hindi nagagamot ang diabetes, napapahupa lang ang sintomas.
Ilan pang lumitaw sa research: 5 times more ang dietary fiber ng kamote kaysa kanin, kaya hindi nakakataba. Mas mura ang kamote, P10-P20 kada kilo, kumpara sa bigas na P30-P35. Ang kanin kailangan may ulam, ang kamote malasa miski wala. Nakakababa ang kamote ng bad cholesterol at hypertension, ang kanin baliktad.
Sa pambansang lebel, lamang din ang kamote. Konting tubig-ulan lang tutubo na ang kamote sa patag o burol; nakakain pa ang talbos. Pero kailangan mag-irrigate ng 3,000 litro ng tubig (katumbas ng panligo sa 3 buwan) para umani ng isang kilong bigas. Umuubos ng bilyun-bilyong piso ang pag-import ng taunang rice shortage na 2.5 milyon tonelada.
Inutos ko sa kasambahay na subukang haluan ng ka- mote (at saging na saba) ang sinaing sa bahay. Anila gan’un daw sila sa probinsiya. Sa pagbabasa, nabatid ko na sa America, Uropa at Pilipinas nu’ng 1900s-1950s basic staple ang kamote. Nag-shift sa kanin, patatas, wheat, pasta, at trigo ang mga tao nang yumaman ang ekonomiya. Idinidikit ngayon ang kamote sa tag-hirap, pero ‘yun pala mas mabuti sa katawan at bansa.
- Latest
- Trending