Bungal na batas
WALANG ngipin ang batas kaya sa kabila ng pagsisikap na mapuksa ang kriminalidad tulad ng carnapping at carjacking, lumalabas na inutil ang ating Philippine National Police (PNP).
Lumulubha pa ang estilo ng mga ito. Pinapatay pa sa brutal na paraan ang ninakawan ng sasakyan. Ang nang- yari sa car dealers na anak ni Atty. Oliver Lozano at kay Venson Evangelista ay di na gawa ng ordinaryong kriminal kundi ng isang may sapi ng diablo.
Tama ang mga suhestyong gawing non-bailable ang carjacking na may kasamang pagpatay at ibalik na ang death penalty! Mantakin n’yo na kaso ng carnapping at carjacking, puwedeng magpiyansa ang mga sangkot kaya hindi na natatakot ang mga kriminal sa paggawa ng kabuktutan.
Dapat ituring na capital offense ang carnapping tulad ng kidnapping. Huwag payagang magpiyansa ang mga akusado sa krimen, na pinapatay at sinusunog pa ang mga biktima.
Kawawang PNP chief Director General Raul Bacalzo dahil natiyempo sa mga karumal-dumal na pangyayaring ito. Malaking hamon sa PNP ang pagresolba sa high profile crimes at pagpapataas sa crime-solution efficiency ng PNP.
Sayang ang accomplishment ng PNP sa mga nakaraang panahon. Halimbawa, bumaba ng 100,304 o 36.46% ang index crime volume noong Enero hanggang Nobyembre ng 2010 kumpara noong 2009. Kaso, biglang may sumulpot na karima-rimarim na krimen na nakaapekto sa achievement na ito.
Tamang direksyon na nais ni Bacalzo sa recruitment ng mga pulis: Dapat ay mataas ang IQ, walang sapak sa utak at panghuli na lang iyang physical fitness. Marami naman kasi tayong nakikita na tila very low ang IQ. Pati kabaro napagkakamalang kriminal at napapatay! Sabi nga ni Bacalzo, “Hindi lang action man kundi thinking man” ang dapat maging pulis.
Balita ko nagsimula na ang retraining ng mga pulis sa atas ni Bacalzo. Pasensyahan na lang iyong di papasa dahil di pwede kay Bacalzo, isang abogado at isang PhD, ang “pwede na rin.”
Naalala ko na si Bacalzo ay isa sa mga elemento ng Metrocom noong araw na nagligtas kay Robina Gokongwei mula sa mga kidnappers, kung kaya hindi rin siya matatawaran pagdating sa bakbakan.
- Latest
- Trending