Mga walang-ingat

Sa mga lansanga’y nagkalat ang dugo

dugo ng mahirap at nasa negosyo;

Sila’y sawimpalad at maraming bigo

pagka’t ang sinapit ay loob ng nitso!

Mablis ang takbo ng sasakyang motor

mag-asawang sakay biglang tumilapon;

Nabangga’t sinalpok ng driver na maton

ng isang cargo truck sa kantong palusong!

Dahil walang ingat ang dalawang driver –

ang banggaan nila bagama’t accident –

Tilamsik ng dugo ay hindi mapigil

kaya lahat sila’y sabay inilibing!

Kay lalaking letra na huwag tatawid –

sinuway ng ginang at matandang mister;

Overpass underpass na dapat ginamit

nagsilbing testigo sa mga sinapit!

Kaya aksidente’y madalas mangyari

sa mga lansangang maliit malaki;

Dapat nag-iingat – mayama’t pulubi

upang maiwasan buhay ay masawi!

Kailan titino itong sambayanan

upang ang accident sana’y maiwasan?

Kung laging masama itong kapalaran

asawa at anak palaging luhaan!

Mga nagmo-motor: mag-ingat, mag-helmet

upang ang sakuna ay hindi masapit;

Mga naglalakad ay dapat tumawid –

sa mga tawirang sila ang gagamit!

Kaya anong buhay ngayo’y sasapitin

nitong mga batang naulila mandin?

Hindi sila handang bukas ay marating

kung ang matatanda’y maagang nagmaliw?

Kaya itong pitak nagmamalasakit

sa mga kabayang hindi nag-iisip;

Sa inyong paglakad sa kalyeng makitid

gamitin ang puso at diwang matuwid!

Show comments