EDITORYAL - Nararapat ang total log ban
ISA sa dapat pagtuunan ng pansin ng Aquino administration ay ang tuluyang pagbabawal sa pagtotroso o pagputol sa mga punongkahoy. Sa nararanasan ngayon na ang mga bundok ay nabibiyak at naguguho dahil sa kawalan ng mga puno, nararapat nang ipagbawal ang pagtotroso at sikaping magtanim nang magtanim pa ng mga puno upang masagip sa pagkasira ang pamayanan.
Nagpahiwatig na si President Noynoy Aquino sa balak na total log ban. Sinabi niya nang dumalaw sa Cebu noong nakaraang linggo. Ikinokonsidera niya ang batas na nagbabawal sa pagputol ng mga punongkahoy.
Ganito rin ang sinabi niya kay Sen. Loren Legarda kamakalawa. Dinalaw ni Legarda si P-Noy sa Malacanang at isa sa napag-usapan nila ay ang tungkol sa total log ban. Si Legarda ay isa sa masusugid na tagapagtaguyod ng pagpreserba sa likas na yaman. Kampanya ni Legarda ang pagtatanim ng puno sa buong bansa.
Nararapat nang ipagbawal ang pagputol sa mga puno para maiwasan ang mga pagbaha sa mara-ming dako ng bansa. Ang patuloy na pagkalbo sa mga bundok ang dahilan kaya nagkakaroon ng pagguho ng lupa. Imagine, na ang isang bundok sa Southern Leyte ay naguho at inilibing ang isang barangay doon. Walang natira sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard makaraang maguho ang bundok. Maraming residente ang nalibing nang buhay. Noong nakaraang linggo, isa pang barangay sa St. Bernard ang nagkaroon ng landslides.
Ang kawalan ng mga puno sa bundok ang itinuturong dahilan kaya humina ang lupa. Sa pagbuhos nang malakas na ulan ay bumibigay ang lupa at gumuguho. Wala nang mga ugat ng kahoy na sumipsip sa tubig na dulot ng ulan. Ang ganitong tanawin ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari kundi maging sa iba pang bansa. Sa Brazil ay marami ang namatay nang maguho ang bundok dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Hinihintay ng mamamayan ang utos ni P-Noy na magbabawal nang tuluyan sa pagputol ng mga puno. Ito ay dapat niyang iprayoridad. Habang wala pang natatabunan ng lupa, gawin na niya ang pagbabawal.
- Latest
- Trending