Carjacking
“MAY mga pulis sa labas, gumapang na kayo sa likuran.” Ito ang huling tawag na natanggap ni Chief Insp. Joel Hukutan, ng Cavite Highway Patrol Group mula sa cell phone ni Ronald Santiago, lider ng Onad Carjacking Group ng kanyang sagutin. Marahil nasa paligid lamang ang tumatawag kaya naputol ito bigla at nabitin sa inpormasyon ang mga kapulisan nang salakayin ng magkasa- nib na puwersa ng Bataan Police, Pasay City Police, Region 4 at Cavite Special Weapons and Tactics ang bahay ni Santiago sa Block 82, Lot 19, Phase 2, Bgy. Paliparan, Dasmarinas, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Nasorpresa ang lider ng grupo na si Ronald Santiago nang pasukin ng mga pulis ang kanyang bahay kaya agad siyang naaresto. Kasamang naaresto sina Joseph Hilario at Ramir Santiago. Mabilis ang paggalugad ng mga pulis sa lugar kaya nasakote ang lima pang myembro nito na sina Allan Reaga, Arnold dela Cruz, Philip Santos, Lito Sarabia at Caloy Cabrera na natutulog sa isang safehouse hindi kalayuan sa bahay ni Santiago.
Mukhang katatapos lamang mag-shabu session ng lima dahil nakalatag pa sa sahig ang mga ginamit nilang aluminum foils. Nakuha ang dalawang calibre 38, 1 shotgun, mga patalim, uniporme ng sundalo at martilyo na nakalagay sa isang back pack. Samantala sa bahay naman ni Santiago ay nakuha ang karton-kartong vacuum gadgets, maleta ng mga bagong damit, chocolates at iba’t ibang gamit na sa palagay ng mga pulis ay galing sa mga inagaw nilang sasakyan.
Ayon kay Supt. Allan Macapagal, hepe ng Inteligence group ng Bataan Police, naging aktibo umano ang Onad Carjacking Group sa Batangas, Bataan, Pasay City, Makati City na ang modus ay mang-carjack ng mga sasakyan upang gamitin sa panghoholdap, Akyat bahay at hijacking. Pawang may mga warrant of arrest na umano ang ilan sa grupo kaya madali nilang matunton ang mga ito. At ang huling plano ng grupo ay ang pagsalakay sa isang malaking kompanya umano sa Maynila ngunit tumanggi si Macapagal na ibulgar kung anong kompanya.
Sa bilis ng pangyayari ay nabigla ang mga residente ng naturang barangay at halos walang alam sa lakad ng grupo, bastat ang alam lamang nila na laging may mga dala-dalang gamit ang mga ito sa tuwing uuwi sa kanilang pinagtataguan. Mukhang seryoso na ang Philippine National Police na sugpuin ang carnappers at carjacking syndicate matapos na dukutin at patayin sina Emerson Lozano, drayber nito na si Ernani Sensil at Benson Evangelista. Sina Lozano at Evangelista ay car dealers. Dapat lamang na huwag titigil sa pagsalakay sa mga lungga ng mga ito upang sa kalaunan ay matumbok ang mga responsable sa pagpatay sa car dealers.
Dapat palawakin ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo ang paghabol sa carnappers/carjackers group at isama na niya sa paghalungkat sa lihim na bumabalot sa kanyang mga tauhan at maging sa mga kawani ng Land Transportation Office. Dahil ayon sa aking mga kausap malakihang deal umano ng mga karnap na sasakyan ang nagagawan ng paraan ng taga-LTO sa tulong ng mga opisyal ng pulis. May katwiran ang aking mga kausap di ba?
- Latest
- Trending