NALULUNGKOT ang mga Pinoy dito sa Amerika dahil nararamdaman na naman nila ang pagsisimula ng magulong pulitika sa Pilipinas. Nagsimula ang lahat nang sabihin ni President Noynoy na gagawin niyang “chief troubleshooter’’ si Sen. Mar Roxas.
Maliwanag na ipinahiwatig ni P-Noy ang pag-aappoint kay Roxas matapos ang isang taon. Tulad ng inaasahan, marami ang umalma sa ibinalitang ito ni P-Noy sa kanyang speech sa anibersaryo ng pagtatatag ng Liberal Party. Karamihan sa mga ito ay mga kapartido rin nila subalit galit kay Roxas. Sa Malacañang na lang ay may dalawang major factions, ang Balay at Samar na nagbibigay ng sakit ng ulo kay P-Noy dahil magkaiba ang gustong mangyari.
Maliban dito, may iba ring pagkakaibang problema na galing naman sa kampo ni Vice President Jojo Binay na aktibo na rin ngayon sa Gabinete ni P-Noy. Gusto rin ng mga ito na mabigyan sila ng importansiya ni P-Noy at ng mga matataas na tauhan ni P-Noy ng kanilang mga ideya at kung ano ang palagay nila ay makakabuti sa pagpapatakbo ng bayan. Siguro naman ay makikita na ninyo na sa dami ng mga naghahabol na mapakinggan ni P-Noy ang kanilang ideya ay hindi malayong matuliro si P-Noy. Kung hindi naman marahil mapagbigyan ni P-Noy ang kanilang kagustuhan, malamang na tampuhan blues ang maganap.
Noon pa ay nagdedebate na ang mga Pinoy dito sa US. Kapapanalo pa lamang ni P-Noy sa sinabi nito na hindi raw mangunguna ang pulitikahan sa kanyang administrasyon. May mga matitigas ang loob na hindi naniwala sa pahiwatig na ito ni P-Noy. Alanganin nga ang loob ko noon sapagkat alam kong sa dami ng mga tao at mga grupong pinagkakautangan ng loob ni P-Noy sa kanyang pagkapanalo, hindi maaaring balewalain nito kung sakali mang humiling ang mga ito ng kahilingan sa kanya tungkol sa gobyerno.
Ito ang isang sample ng pagmumulan ng kaguluhan. Ang laki ng utang na loob ni P-Noy kay Roxas sapagkat ibinigay nito in a silver platter ang pagka-presidente. Hindi malayo na nagkaroon marahil ng pagkakasunduan ang dalawa na si P-Noy na muna ang magiging presidente at sa susunod naman si Roxas. Samantala, bibigyan muna ni P-Noy si Roxas nang mahalagang posisyon sa administrasyon upang sumikat.
Marami pang senaryo ang magaganap at sa tingin ko lalong gugulo ang Pilipinas dahil sa sobrang pulitika. At dahil sa pulitika, hindi mabibigyan ng atensiyon ang problema ng bansa. Kawawang Pilipinas!