MAGANDA naman ang ginagawa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Nicanor Bartolome na sinisibak agad ang hepe ng presinto na nakasasakop sa pinangyarihan ng krimen. Sa ganitong patakaran, nagiging masigasig ang hepe na pangalagaan ang lugar na nasasakupan. Nagiging alerto para hindi malusutan ng mga masasamang loob. Maganda ang ginagawa ni Bartolome at maaaring mabawasan ang mga nangyayaring krimen kung palaging isasakatuparan ang kanyang patakaran.
Pero mas maganda kung hindi lamang ang mga “maliliit” na hepe ang kanyang bibigwasan kundi pati na rin ang mga “malalaki” mismo. Kasi’y may responsibilidad din naman ang mga “malalaki” sa kanilang nasasakupan. Kung pati ang “malalaki” ay mapaparusahan, lahat ay magkakaroon ng aral na magiging daan upang wala nang mangyaring krimen sa lugar.
Mula nang mamayagpag ang mga carjacker, lalo pang naging mahigpit ang NCRPO para wala nang mabiktima ang grupo. At isa sa mga unang nasampolan ni Bartolome ay ang hepe ng police community precinct sa Makati City. Sinibak ni Bartolome si Chief Inspector Alex Fulgar nang karnapin ang sasakyan ng pinsan ni Sen. Mar Roxas sa Dela Rosa St. sa Legaspi Village. Sabi ni Bartolome sa pagsibak kay Fulgar, hindi nito nasawata ang krimen sa lugar gayung ang lugar ay commercial area. Hindi nasiguro ang kaligtasan ng mamamayan sa lugar.
Pero dapat din namang managot ang mas nakatataas pa kay Fulgar. Hindi lamang si Fulgar ang dapat na sibakin kundi pati na rin ang hepe nito na nakasasakop din naman sa lugar.
Nang mangyari ang dalawang carjacking sa Quezon City, hindi agad naman sinibak ang mga hepe ng presinto na nakasasakop sa lugar. Kahapon lamang sinibak ang hepe ng Station 10 makaraang karnapin ang sasakyan ng DZMM anchorman na si Carl Balita. Sunud-sunod ang insidente ng pagcarjack sa QC.
Walang dapat piliin sa pagsibak sa mga hepe ng pulis. Hindi dapat “maliliit” lang kundi pati na rin ang “malalaki”. Ito ang dapat gawin para lubusang mapagbuti ang paglilingkod sa mamamayan.