Taas antas batas
NAGING panauhing pandangal ng Philippine Association of Law Schools (PALS) induction dinner si Executive Secretary Jojo Ochoa, ang highest ranking lawyer sa Executive Department.
Maganda ang mensaheng iniwan ni Ochoa sa aming mga Dean ng mahigit 100 law school sa buong kapulungan: Makipagtulungan sa pamahalaan sa pagsiguro na ang kalidad ng legal education sa bansa ay napapanatiling mataas ang pamantayan. At dahil hindi pa gaanong pulido ang makinarya para dito, umpisahan sana ng asosasyon ang self-regulation. Napansin niya ang bilang ng mga paaralang zero ang passing rate. Kung sa hanay pa lamang ng asosasyon ay maawat na ang pag-usbong ng ganitong mga paaralan, at least maiwasan ang paglustay ng pinaghirapang matrikula.
Ang pakiusap ni Ochoa sa aming mga Dekano ay isang pagkilala ng mismong Malakanyang sa aming sensitibong tungkulin at responsibilidad sa paghubog ng mga abogado ng kinabukasan.
Umpisa nitong 2011, pagkatapos ng mahigit na 100 taon, ang Supreme Court, sa pakikipagtulungan ng PALS at ng iba ring sektor ng propesyon, ay magbibigay ng Bar Exam na binago ang format. Ang dating essay question format ay papalitan na ng mixed Multiple Choice questions (MCQ) at Memorandum and Opinion writing. Ang MCQ ay para testingin ang knowledge o kaalaman ng examinee habang ang memorandum/opinion writing ay para testingin ang kanyang skills o kakayanan.
Maliban sa repormang ito ay ililipat na rin ng Hukuman ang venue ng Bar Exams mula sa De La Salle University Taft Avenue, Manila patungo sa University of Santo Tomas sa España Blvd., Manila. At ang September Schedule ng Bar ay, after 20 years, malilipat sa Nobyembre.
Maraming pagbabagong haharapin ang Legal Education sa taong ito, mga pagbabagong inaasahang magtatagumpay sa adhikaing higit na tumaas ang antas ng propesyon. Malaking inspirasyon ang tiwala ng pamahalaan, na pinahiwatig sa katauhan ng mismong Executive Secretary, sa kapasidad ng mga law school na manguna sa misyong ito.
Announcement: Ang PLM College of Law (PLM-CL) Admission Tests para sa Academic Year 2011-2012 ay gaganapin sa Jan. 29, Feb. 26, Mar. 26, April 30. Para sa karagdagang detalye, tumawag sa PLM-CL sa number na 5279074 at 5277941 o bisitahin ang PLM website: www.plm.edu.ph
- Latest
- Trending