'Tuwid na landas' nga kaya?
HINDI angkop sa pangakong “matuwid na daan” ni President Aquino ang pagtalaga kay Prudencio Reyes Jr. bilang deputy commissioner for intelligence ng Bureau of Customs. Si Reyes ay dating administrator ng Local Water Utilities (LWUA) at nagkakaso ng graft and corruption kung saan pinatawan siya ng Supreme Court ng isang taon na suspension. Ang magiging trabaho ni Reyes sa bagong opisina niya ay ang magkalap ng intelligence information laban sa smuggling, magsagawa ng imbestigasyon sa mga kasong sangkot ang mga tauhan ng Customs at bilang police authority.
Sa sensitibong opisina na hahawakan niya, paano irerespeto ng mga tauhan niya si Reyes kung may uling siya sa mukha? Dapat malinis ang record ng lahat ng i-appoint ni P-Noy sa mga sensitibong puwesto ng gobyerno para isulong ang “matuwid na daan” na pangako sa mga nagugutom na Pinoy. Baka hindi mapahindian ni P-Noy ang mga padrino ni Reyes? Si Reyes ay uupo sa puwesto ngayon kaya mababawasan na na-man ang pogi points ni P-Noy.
Si Reyes ay administrator ng LWUA noong 2000 nang sampahan siya ng anti-graft and corrupt practices act ng mga deputy niya na sina Simplicio Belisario Jr. at Emmanuel Malicdem kasama sina Daniel Landingin at Rodolfo de Jesus. Halos 13 araw na nakalipas, nagpalabas si Reyes ng office order No. 69 na inire-assign ang mga nag-file ng kaso laban sa kanya sa opisina niya mismo. ‘Ika nga floating status sila. Nang sumunod na araw, inatasan ni Reyes ang mga security guards na huwag nang ipagamit ang dating opisina ng mga kaaway niya. Lumipas ang tatlong araw, inatasan ni Reyes ang mga ito na iabandona na ang dating mga opisina nila at hakutin ang mga personal nilang gamit. Noong Marso 30, 30, inatasan ni Reyes ang mga kaaway niya na huwag ng i-exercise ang mga tungkulin nila. Wow! Ang lupit ni Reyes sa mga kalaban niya. Sorry na lang kayo diyan sa Customs.
Kaya lang lumapit ang mga kalaban ni Reyes sa Civil Service Commission (CSC) na nagsabing hindi makatarungan ang desisyon ni Reyes at may bad faith ito dahil wala namang sapat na dahilan kung bakit isinagawa niya ang kautusan. Mukhang personalan lang? Lumapit din ang mga nagreklamo sa Ombudsman kung saan sinabi ng dating LWUA opisyal na karapatan niyang disiplinahin ang mga tauhan niya bilang administrador ng opisina. Ipinasa ng Ombudsman ang kaso sa CSC na nagpalabas ng desisyon na walang karapatan si Reyes na maglabas ng naturang mga desisyon at iniutos na ibalik sa dating tungkulin ang apat na LWUA officials. Kinatigan ng Supreme Court ang desisyon ng CSC at iniutos ang one-year suspension ni Reyes. Kung wala na sa serbisyo, magbabayad siya ng danyos na katumbas ng kanyang one-year na suweldo.
Nangangamba ang mga empleado ng Customs na baka sa pag-upo ni Reyes ay baka “tamaan sila ng kidlat” kapag ganun pa rin ang ugali niya. Bengador.
Abangan!
- Latest
- Trending