Ano ang solusyon para 'gumanda'?
Hi Doc Willie,
Gusto ko pong magpatulong sa inyo. Ako si Ms. L, 28 years old, single at walang magkamaling magkagusto.
Lagi na lang akong nilalait saan man ako magpunta. Para bang may sakit akong nakakadiri. Minsan tuloy parang ayaw ko nang mabuhay pa. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung bakit narito sa mundong ito? Tulungan mo naman ako, Doc.
Kung may pera sana ako, gusto kong magpa-plastic surgery. God bless you always. Umaasa. — Ms. L.
Hi Ms. L,
Salamat sa liham mo. Sa aking pananaw, parang kulang ka sa kumpiyansa sa sarili. Kung pagmamasdan mo, marami riyan ang hindi maganda, pero nagiging matagumpay sila sa trabaho nila.
Una, makatutulong sa iyo ang pagbabasa ng inspirational books, tulad ng kay Norman Vincent Peale at po-sitive thinking. Baka sa mata ng kapwa Pinoy ay pangit ka, pero sa mga foreigner naman ay “rare beauty” ka.
Pangalawa, kailangan palakasin mo ang mga talento at galing na binigay sa iyo ng Diyos. Matalino ka ba? Ma-galing magsalita o kumanta? Masipag at matiisin ka ba? Sigurado akong mayroon kang mga kakaibang talento.
May mga TV at radio host, hindi naman guwapo, pero magaling magsalita. Hanapin mo ang tunay mong galing, at doon mo makukuha ang iyong nawalang self-confidence. Sasaya ka rin.
Pangatlo, kung gusto mo talagang magpa-plastic surgery ay puwede tayong kumunsulta sa doktor na kaibigan ko. Magaling at mabait si Dr. Bong Buencamino, isang ENT specialist, na dating host ng Salamat Dok sa ABS-CBN.
Kung dermatologist ang hanap mo, sobrang bait at charming si Dra. Katty Go-Estrada ng Manila Doctors Hospital. Puwede ka magtanong sa kanya.
Ang laging sinasabi sa akin ni Dra. Katty, “Ang tunay na ganda ay wala sa balat kundi nasa loob natin. Kapag tayo’y masaya, matulungin at mapagdasal sa Diyos, lalabas din ang “ganda” sa mukha natin.
May mga matatanda na sobrang kulubot na, pero kapag nakita mo ay parang may ilaw ang kanilang mga mukha. Naka-smile, mabait at alam mong tutulungan ka. Iyan ang ganda na dapat mong hanapin Ms. L. At kapag nakamit mo na iyan, darating na ang saya at pag-ibig sa iyong buhay. Good luck and God bless always. —Doc Willie
- Latest
- Trending