And the winnah: Sixto Brillantes!
CONGRATS kay Atty. Sixto Brillantes na ngayo’y top honcho na o Chairman ng Commission on Elections (Comelec) sa kabila ng tangkang pagsagka sa kanyang appointment ng future chief trouble-shooter ni Presidente Noynoy na si Mar Roxas.
Nagtataka ang marami. Isa nga bang boses na pinakikinggan ng Pangulo si Mar? Hinirang pa nga niya si Mar na chief trouble-shooter kamakailan.
Nauna nang kumalat sa mga pahayagan na hinaharang umano ni Roxas ang pagluluklok kay Brillantes bilang pinuno ng poll body dahil sa malapit umano kina Vice President Jojo Binay at Sen. Chiz Escudero. Tinalo ni Binay si Mar noong May 10 polls samantalang si Escudero ang sinasabing makakasalpukan ni Mar sa 2016 presidential elections.
Ang pursigidong itinutulak ni Mar sa pagka Comelec Chair ay si Atty. Romulo Macalintal na minsan ding nanilbihan kay Andal Ampatuan, Sr., ang dating gobernador na akusadong utak sa pagmasaker sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 2009. Inamin naman ni Macalintal na naging kliyente niya noon ang matandang Ampatuan. At sa tingin ko, base sa mga interviews kay Macalintal, hindi siya masyadong interesado sa nominasyon. Para ngang itinutulak pa niya ang kanyang kompanyerong si Sixto.
May inside info na si Roxas mismo ang nagsabi kay P-Noy na ang pagtatalaga kay Brillantes sa puwesto ay para na ring paghahain ng 2016 presidency kay Escudero na sa ngayon ay siyang pinakamatimbang na kandidato sa susunod na halalang pampanguluhan kung pagbabatayan ang ilang pagsusuri ng mga political analyst.
Maging si Sen. Sergio Osmeña III ay naghayag noong nakaraang linggo na isinosoga ni Roxas at LP si Macalintal kung kaya dehado sa laban si Brillantes.
“The problem is I think Brillantes supported Noy-Bi and therefore, I think the Liberal Party doesn’t want a Noy-Bi lawyer to head the Comelec, looking ahead to 2016 or probably even 2013,” ani Osmeña sa mga mamahayag sa Senado.
Hindi talaga nagbabago ang laro sa politika at iyan ay isang bagay na dapat nating tanggapin.
- Latest
- Trending