Mga matitinding kalamidad
NAPAKARAMING matitinding kalamidad ang nagaganap ngayon hindi lang sa Pilipinas kundi sa maraming mga bansa sa mundo.
Ito ang napag-usapan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Grabe ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa maraming rehiyon ng bansa na nagresulta sa malawakang pagbaha at landslides, partikular sa Regions IV-B, V, VI, VII, VIII, X, XI, XII, Caraga at ARMM. Ang naturang pangyayari ay kumitil na naman nang maraming buhay at nangwasak ng mga ari-arian, kabuhayan, imprastraktura, kabahayan, komunidad at ng pangarap nang maraming kababayan. Ganito rin ang naranasan sa Australia, Brazil, Sri Lanka at iba pang mga bansa.
Sinasabi ng mga apektadong residente na sa buong buhay nila ay ngayon lang sila nakaranas ng ganito katin-ding pangyayari. Ayon sa mga eksperto, ang mga kaganapang ito ay resulta ng naging malalang pagkasira ng ating kalikasan kung saan ay naging malaking sanhi naman nito ang pag-abuso at pagpapabaya mismo ng mga tao.
Dito sa ating bansa ay lalong lumalaki ang pangamba ngayon dahil sa pananalanta ng La Niña at sa tinata-yang ibubunsod nito na ibayong paglakas ng mga bagyo laluna’t karaniwang lampas 20 ang mga bagyo na dumaraan sa ating bansa kada taon. Ngayon pa lang, dapat nang paghandaan nang husto ang La Niña at mga bagyo. Siyempre, ang pagkilos para rito ay hindi lang nakasalalay sa pamahalaan kundi sa mismong mamamayan.
Para naman sa pangmatagalang hakbangin, kaila-ngan na talaga nating seryosohin ang banta ng “climate change.” Dapat na nating ipursige ang pangangalaga sa ating kalikasan. Ang bawat isa sa atin ay may positibong magagawa hinggil dito, kahit sa pamamagitan ng gaano man kaliit na pagsisikap.
Nagkakaisa kami ni Jinggoy na may malaking responsibilidad din ang lehislatura upang matagumpay na maisulong at maipalaganap ang pagmamahal, pagrespeto at pangangalaga sa ating kalikasan.
- Latest
- Trending