Charter change napapanahon
KINATI ang mga allergic sa katagang “Charter change” nang mabanggit ito muli kamakailan. Dala na kasi sila. Sinangkalan ng mga politiko ang pagbabago ng Saligang Batas para kunwari’y pabutihin ang buhay ng mamamayan, pero ‘yun pala’y para lang subukang palawigin ang sarili sa poder.
Pero tama sina admin Rep. Ben Evardone at Catholic Archbishop Angel Lagdameo. Anila napapanahong pag-usapan ang Charter change sa simula ng termino ng Presidente. Kasi walang maghihinala sa motibo.
Hindi lang napapanahon, dagdag ni dating Chief Justice Reynato Puno, kundi agaran. Matagal na siya nagbababala na bumubulusok tayo mula frail (sakitin) tungo sa failed (patay) na demokrasya. “Iligtas natin ito mula sa kawalan-saysay ... ng mga ideyang mala-dinosaur,” aniya, “Huwag natin hintayin na ma-ICU ang ating demokrasya bago tayo tumawag ng doktor.”
Nilista ng Foreign Policy magazine nu’ng Hunyo ang Pilipinas na ika-51 sa 60 failed at failing na bansa. Isang dosenang signos ang tinukoy ng FP: paglubog ng mamamayan, halimbawa sa dami ng nahahawa sa sakit o namamatay na sanggol; brain drain; refugees; ilehitimong lider; paglubog ng serbisyo publiko, lalo na sa edukasyon at kalusugan; di pagkakapantay-pantay; pang-aapi o pagpapabaya sa mga sektor ng mamamayan; paglabag sa karapatang pantao; pag-atras ng ekonomiya; paksiyon-paksiyon ng mga naghahari; pamamayani ng warlords; at pakikialam ng dayuhan. Malinaw na hindi lang lehislasyon o kilos-ehekutibo ang lulutas sa mga ito, kundi repormang pang-Konstitusyon.
Kaya nagpapayo si Puno ng panalbang Charter change. Una ang ganap at pansalaping kalayaan ng hudikatura mula sa pulitika. Idagdag pa: Kinatawan ng mga maliliit sa Kongreso; pagtrato sa edukasyon at kalusugan ka-lebel ng karapatang sibil; pag-iwas sa gridlock ng tatlong sangay ng gobyerno; at karapatan ng taumbayan manibak ng opisyales.
- Latest
- Trending