Si Rep. Ferdinand Martin Romualdez, alias FM

INIIDOLO ni Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang kanyang tiyo na si yumaong dating Presidente Ferdinand Marcos. Obvious ba? Ang gusto niyang itawag sa sarili ay FM na siyang taguri kay nasirang Makoy.

Ang balita, masigasig niyang inihahanda ang umano’y pagtakbo ng kanyang pinsang si Sen. Bongbong Marcos sa pagka-pangulo sa 2016. Sabi nga ng mga kababayan nating Ilocano “agsubli na ti Apo sa Malacañang!” Marami ang nagulat nang tanggapin ni Romualdez ang pagka-pangulo ng na bad-shot na Lakas-CMD. Di nga ba’t ito ang partidong itinuturing na dahilan ng pagkatalo ni dating Presidential aspirant Gilbert Teodoro sa nakalipas na presidential polls?

Wala na kasing interesado sa liderato ng Lakas-CMD at obyus naman ang dahilan. Naging partido ito ni Ex-President (ngayo’y Pampanga Rep.) Gloria

Macapagal-Arroyo na ang siyam na taong panunung­kulan ay naging punumpuno ng kontrobersya at anomalya.

Ang mga bagong halal na congressmen at local offi­­cials na dating kasapi ng Lakas ay nagkalasan na dahil sa takot na maitsa-puera kapag umagos na ang pi­nakaaasam na pork barrel mula sa Malacañang.

Kaya pasok sa eksena si Romualdez at naging party president ng Lakas-CMD. Kasi wala na itong magiging pinuno na may kuwarta maliban sa kanya matapos mapatalsik ang sariling tagapagtatag nito na sina ex-President Fidel Ramos at ex-Speaker Jose de Venecia.

Ito’y kabalintunaan o irony. Ang partidong naitatag bilang panlaban sa yumaong diktador ay pinamumunuan ngayon ng mismong pamangkin ni nasirang Makoy.

Marami ang nagtatanong: May kinalaman kaya ang tatay ng Kongresista na si Kokoy Romualdez sa pangyayaring ito?

Sa taong mapaglaro ang isip, sasabihing “benggansa” ito ni Kokoy kay Ramos.

Sinasabi na ang mga katiwalian ng nakalipas na administrasyon ni Marcos ay pulos pakana ni Kokoy. Ano kaya ang susunod na hakbang?

Abangan.

Show comments