MAY mga kompanya na nagbibigay ng allowance sa mga mag-o-on the job training (OJT) sa kanila. Dapat lang naman na bigyan ng allowance ang nagli-lingkod sa kanila dahil gumagastos din ito sa panahon ng training. Kahit pamasahe lang ng trainees ay mala-king bagay nang maituturing lalo na kung malayo ang inuuwian ng nag-o-OJT. Kawawa naman kung wala man lang ibibigay na pampalubag-loob sa kanila.
Pero kakaiba naman ang kaso ng mga nurses sa kasalukuyan na kailangan palang magbayad sa ospital na kanilang pinaglilingkuran para makakuha ng experience. Sa halip na sila ang bayaran sa ibibigay nilang serbisyo sa ospital ay sila pa ang magbabayad. Noon pa napabalita ang gawaing ito ng mga hospital. At hindi lamang daw mga ospital sa Metro Manila ang gumagawa nito kundi pati na rin ang mga nasa probinsiya. Kailangang magbayad bago makapagtrabaho sa kanila. Hindi naman sinabi kung magkano ang ibinabayad ng nurses na nais makakuha ng experience.
Karamihan sa nurses na nais makakuha ng experience ay yung gustong magtrabaho sa abroad. Isa sa mga requirements para matanggap ay ang experience sa mga ospital. Malaking bentahe umano kung mayroong experience sapagkat madaling matanggap at bukod doon ay malaki rin ang suweldo. Kaya sa pagnanais ng nurses na makapagtrabaho sa abroad, pikit-mata nilang tinatanggap ang regulasyon ng ospital na dapat ay magbayad para makakuha ng experience.
Grabe naman ang ginagawang ganito ng ilang ospital. Libre na nga ang paglilingkod ng nurses, ay pagbabayarin pa nila para lamang makakuha ng karanasan. Sobra-sobra na ang hirap at pagtitiis ng nurses ay nagagawa pang huthutan ng mga ospital. Kawawa naman ang nurses na kailangang “sumuka” ng pera para magkaroon ng karanasan at saka lamang makapagtatrabaho sa abroad.
Nararapat kumilos ang Department of Health (DOH) sa nangyayaring ito. Imbestigahan ang mga ospital. Hindi tama ang ginagawa ng mga ospital. Katakawan at pagkagahaman na ang kanilang ginagawa. Kapag napatunayan ng DOH na tama ang mga sumbong sa ospital, patawan ito nang mabigat na parusa. Hindi sila dapat magpatuloy sa kanilang aktibidad na kailangang magbayad para lamang maka-eksperyensiya ang nurses.