MALAKING hamon sa namumuno sa Department of Agriculture (DA) itong taun-taon ay pag-import ng bigas. Hindi ba puwedeng kumain ang mga Pilipino ng kanin mula sa palay na dito sa Pilipinas inani? Nakakahiya na nataguriang agricultural na bansa ang Pilipinas pero ang kinakaing kanin ay mula sa bigas na binili sa Thailand at Vietnam.
Napakalawak nang lupain at napakaganda ng klima sa Pilipinas pero ang pangunahing produkto na kinakain nang nakararaming Pinoy ay binibili pa sa ibang bansa. Gumagawa ba ng hakbang ang DA sa nangyayaring ito pawang pag-import na lamang ng bigas ang ginagawa. Nakakasawa na ang ganito at nakakaumay na rin na ang isinasaing ay ani mula sa ibang lupain.
Noong Martes ay inihayag ng National Food Autho-rity (NFA) na mag-iimport sila ng bigas sa susunod na buwan. Malalaman daw sa Biyernes kung gaano karami ang iimportahing bigas. Pero sinabi rin ng NFA na marami pa raw imported na bigas sa mga bodega ng NFA ang hindi pa naipagbibili. Kung marami pang bigas sa mga bodega, bakit kailangan na namang bumili? Hindi kaya magsobra-sobra na naman ang bigas at mabulok lamang kagaya noong 2008?
Mismong si President Noynoy Aquino ang nagsabi na dahil sa dami ng inimport na bigas sa panahon ng Arroyo administration, marami ang nabulok at nasayang lamang sa mga bodega. Sobra-sobra raw ang ginawang importasyon mula 2004 hanggang 2008. Anang presidente, bumili ang gobyerno ng 900,000 metric tons ng bigas noong 2004 pero ang kailangan lang ay 117,000. Noong 2007, bumili ng 1.827 million metric tons ng bigas pero ang kailangan lang ay 589,000 metric tons. Napakaraming binili ng pamahalaan hanggang sa matuklasan noong 2008 na marami palang bigas ang nabubulok lamang.
Nasabi ni P-Noy na isang malaking krimen ang ginawa sa nakaraang administrasyon, na habang apat na milyong Pilipino ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw ay marami naman palang nabubulok na bigas. Ang masaklap, dahil sa patuloy na pagbili ng bigas, nalubog sa P171.6 billion ang utang ng NFA noong nakaraang Mayo.
Ngayon ay balak na namang bumili ng bigas ang NFA. Sana, makagawa ng paraan ang DA para mati-gil na ang importasyon ng bigas. Isulong ang mga paraan para mapabuti ang ani at tulungan ang mga magsasaka na matagal nang pinatay ng sobrang importasyon. Hindi dapat bumili ng bigas ang Pinas.