DALAWANG taon pa bago buwagin ang walang silbing Presidential Commission on Government (PCGG). Tinatapos pa lang daw ang batas na magbubuwag sa walang silbing PCGG na itinatag ni dating President Cory Aquino noong 1986. Itinatag ang PCGG para habulin ang mga “ill-gotten wealth” ng Marcos family. Si dating senador Jovito Salonga ang kauna-unahang PCGG chairman.
Ayon sa bagong chairman ng PCGG na si Andres Bautista, kapag natapos na ang batas sa pagbuwag sa PCGG, ililipat na lahat sa Department of Justice ang mga pending litigation laban sa Marcos family. Ang mga nakumpiskang forfeited ill-gotten assets ay ililipat naman sa Department of Finance. Ang pagta-transfer daw ay isa sa mga dahilan kaya aabutin ng dalawang taon bago tuluyang mabuwag ang PCGG. Naniniwala si Bautista na kasabay sa paglilipat ng mga nakapending na kaso at mga assets, ay maaaprubahan ang batas na magbubuwag sa PCGG.
Matagal ding namayagpag ang mga namuno sa PCGG kung saan ay malalaki ang suweldo at may mga benefits pa umano. Pero ang lubhang nakakadismaya, habang pinasusuweldo sila ng taumbayan, wala naman silang nagagawa para habulin ang mga “ill-gotten wealth”. Kakatwa pang halos lahat yata ng mga kasong isinampa kay dating First Lady Imelda Marcos ay walang nanalo. Yung mga kinumpiska sa kanilang ari-arian ay binalik sa kanila. Ano ba ang PCGG na ito?
Masyadong naging kontrobersiya ang PCGG nang pamunuan ni Chairman Camilo Sabio. Sa term ni Sabio naging kaduda-duda ang papel ng PCGG na ang tunay na layunin ay mabawi ang mga nakaw na yaman. Sa term ni Sabio yumabong ang mga anomalya at iregularidad. Maraming tanong sa PCGG at kabilang dito ay kung kanino raw ba naglilingkod ang PCGG, sa mga Marcos o sa mamamayang Pilipino.
May PCGG commissioner na nagdaos ng birthday at inanyayahan pa si Mrs. Marcos. Nakunan ng picture ang pakikipagsayaw ng PCGG commissioner sa dating First Lady. Lubhang kuwestiyunable ang ginagawa ng mga taga-PCGG.
Napakatagal namang buwagin ng walang silbing PCGG. Ganunman, maaari na ring ipagpasalamat ang nakatakdang pagbuwag sa ahensiya. Mawawala na rin ang pinalalamon ng taumbayan ng mga pinuno ng PCGG pero wala namang maidulot para sa bansa.