NAHULI na yung bumaril sa isang barangay councilman na nakunan pa ng biktima ng retrato habang nasa aktong babarilin siya. Naging sikat yung retrato sa buong mundo, dahil kakaiba nga naman na makuhanan pa ng retrato ng biktima ang pumatay sa kanya. Pero ang nakakapanlamig ay ang pahayag ng suspek na si Arnel Buenaflor na wala siyang pagsisisi sa kanyang ginawa, dahil bawi lang daw iyon. Nakipagbarilan na pala siya sa grupo ni Reynaldo Dagsa. Sina Buenaflor ay mga hinihinalang holdaper at mamamatay-tao. Ayon sa kanya, binaril siya sa ulo ni Dagsa, pero hindi siya namatay. Nang gumaling, isinagawa na ang kanyang paghihiganti.
Ano pala ang gagawin sa mga ganyang umaamin at hindi naman nagsisisi? Kailangan pa bang idaan sa proseso ang mga iyan? Di ba’t sayang lang? Dapat itapon na sa kulungan panghabambuhay! May dating insidente na pala ng pakikipagbarilan sa mga awtoridad, ano pa ang dapat patunayan? At bakit nakalaya pa? Nakalabas ba dahil sa piyansa? Kaya ayan, nabigyan pa ng pagkakataong makapatay ng tao! Iyan din ang sinasabi ko ukol sa mga pansamantalang kalayaan na binibigay sa mga kilalang kriminal! Para sa akin, kapag mabibigat ang mga sangkot na krimen, hindi na dapat nabibigyan ng pansamantalang kalayaan. At sa kaso ni Buenaflor, dapat deretso na sa kulungan!
Katulad ng dalawang pulis na sangkot sa pagsa-saksak, pagbaril at pagtapon sa bangin ng isang babaing tetestigo laban sa kanila. Di ko alam bakit nabigyan ng pansamantalang kalayaan kahit karumal-dumal ang ginawang krimen! Nasaan na ang mga iyan? Nababantayan ba ang lahat ng kilos nila? Baka naman binubweltahan na naman yung biniktima nilang nakaligtas mula sa kanilang kademonyohan? Di na dapat pinakakawalan ang mga halimaw na iyan! Dito talaga dapat pinag-aaralan nang mabuti ng mga mambabatas kung dapat pa bang pinalalaya ang mga sangkot sa mabibigat na krimen, kahit pansamantala. Ang ginawa ni Buenaflor, kung saan binalikan niya ang nakabangga niyang awtoridad, ay patunay na may peligro sa sistema ng pagbibigay ng pansamantalang kalayaan sa mga kilalang kriminal. Ang mga katulad ni Buenaflor ay hindi na dapat ibinabalik sa lipunan.