Tumpak nga marahil sa tuwid na landas
korapsyon sa bansa ay pwedeng mawasak;
Pero kung ang daan sa gitna ay burak
sa landas ni P-Noy ay baka malubak!
Mainam sigurong mga nagbibiyahe
ay may pusong banal at diwang mabuti;
At saka pag-ibig ang nakabaluti
sa dibdib ng taong tapat ang lunggati!
Kung walang pag-ibig sa dibdib ng tao
mga pagsisikap ay bigo rin ito;
At itong korapsyong narito sa mundo
lalong lalaganap sa lahat ng dako!
Kaya pag-ibig lang ang tanging solusyon
sa masamang gawing dulot ng korapsyon;
Halimbawa nito’y negosyong mayabong-
mga magkasosyo’y matapat ang layon!
At sa pulitika tuwing may halalan
ang magkatunggali’y matapat sa laban;
Pagka’t mahal niya ang kanyang kaaway
hindi mag iisip na ito’y pumatay!
Saka ang pag-ibig sa babaing sinta
magiging dakila sa pag-ibig niya;
Hindi maghahangad nang maraming pera
para maging tampok ang kasalan nila!
At upang maglaho korapsyon sa bansa
lahat ng gagawin ay laan sa madla;
Hindi magnanais manlamang sa kapwa
mga pagsisikap salig sa konsensya
Kaya kung pag-ibig ang paiiralin
ng lahat ng tao sa daigdig natin;
Itong Pilipinas kaisang damdamin-
na ang kasamaan ay dapat itakwil!
Saka ang korapsyong talamak sa tao
dahil sa pag-ibig maglalaho ito;
Kung sa Pilipinas puso’y makatao
itong buong bansa’y tiyak aasenso!