Ang Pagbibinyag sa Panginoon

IPINAHAYAG ni Propeta Isaias na magaganap ang pagpili ng Panginoon na maghahanda sa daraanan ng Kanyang Anak. Ito’y mahinahon at banayad magsalita. Hindi magtataas ng tinig ang lingkod ng Panginoon at ibinuhos sa kanya ang liwanag ng Espiritu. Magpapairal siya ng katarungan. Siya ay si Juan Bautista!

Pinatotoo ni Pedro ang pangangaral ni Juan tungkol sa kanyang pagbibinyag kay Hesus na taga-Nazaret sa Ilog Jordan. Doo’y ipinagkalob sa Kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na Siya nga ang Hinirang. Nagpakita si Hesus sa madla nang Siya ay lumapit kay Juan upang magpabinyag. Hindi matanggap ni Juan ang paglapit ni Hesus: “Ako po ang dapat binyagan ninyo.” Subalit sinagot siya ni Hesus: “Ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos”. Sumunod si Juan kaya’t naganap ang kalooban ng Diyos: “Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos,” bumaba tulad ng isang kalapati. At isang tinig ang nagmula sa langit: “Ito ang minamahal kong Anak     na lubos kong kinalulugdan.”

Dito natin maisasapuso na mismong si Hesus, isang Diyos ang Siya pang nagbigay sa atin ng halimbawa ng paglilinis o pagpapabinyag. Ito ang pagpapatunay upang tayo man ay maging kanyang tunay na alagad. Ang binyag ay isang sakramento ng ating pananampalatayang Kristiyano na siyang naglilinis ng kasalanang original na minana natin sa ating unang magulang, sina Adan at Eba. Sa kanilang hindi pagsunod sa Diyos ang naging pagtatak-wil sa atin ng Diyos. Mapagbabalik-loob tayo sa ugnayan sa Diyos sa ating paglilinis ng minanang kasalanan.

Mga kapatid nasa inyo pa ba ang katibayan na kayo ay nabinyagan bilang Kristiyano? Ako ay bininyagan noong Pasko ng 1952 sa simbahan ni San Francisco ng Assisi, Sariaya, Quezon ni Padre J. Nepomuceno Chai at ang aking ninong ay si Reynaldo Gamo. Ito ang mahalagang papeles ng ating buhay bilang Kristiyano.

Ngayon ang kapistahan ng ating pinipintakasing Imahen ni Hesus NAZARENO, sa Quiapo, Manila. Poong Hesus Nazareno, kaawaan mo po kami!

Isaias 42:1-4, 6-7; Salmo 28; Gawa 10:34-38 at Mt 3:13-17

Show comments