Dr. Elicaño, mula pa po noong November ng nakaraang taon ay pabalik-balik ang pangangati ng aking lalamunan. Marami na akong lozenges na ginamit pero wa epek. Patuloy ang pangangati at iritado ako. Sa madaling araw ay hindi ako makatulog dahil sa sobrang kati ng aking lalamunan. Ano po ang mabuti rito? —MABEL SAN ANTONIO ng F. B. Harisson, Pasay City
Hindi mo binanggit kung nilalagnat ka. Ang unang palatandaan kasi ng lagnat ay ang pagkakaroon ng sore throat o pangangati ng lalamunan. Usung-uso ngayon ang sore throat sapagkat malamig ang klima.
Ano ba ang dahilan at nagkaka-sore throat? Ito ay kagagawan ng Streptococcus bacterium. Ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng sore throat ay mataas na intake ng refined carbohydrates, matatamis na pagkain gaya ng biscuits, table sugar at ang pagkain din naman ng mga mababa sa micronutrients. Dahilan din ang paninigarilyo at pag-inom ng sobrang alak.
Dapat may sapat na Vitamins D at E ang diet para malabanan ang atake ng Streptococcus bacterium na lumilikha ng sore throat.
Ang Vitamin D ay matatagpuan sa mga oily fish. Kaya dapat mag-fish diet ang mga may sore throat para malabanan ang infection at nang magkaroon ng healthy immune system. Ang Vitamin E naman ay matatagpuan sa abokado, olive oil, nuts at seeds.
Ang kakulangan din naman sa Vitamin C ay magi-ging dahilan din para madaling makapitan ng infection. Mayaman sa Vitamin C ang strawberries, oranges at red pepper. Makatutulong din naman para mahadlangan ang pagkakaroon ng infection kung kakain ng mga yellow o orange fruit at vegetables gaya ng apricots, carrots at spinach.